LUNSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – 12 dating nagtutulak nang ipinagbabawal na droga ang nagsimula sa pagbabagong buhay nitong Huwebes, Hunyo 9 sa Balay Silangan ng lunsod na ito.
Unang batch ang 12 Meycauenong repormista na piniling magbagong buhay para na rin sa kanilang magandang kinabukasan.
Programa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang Balay Silangan na suportado ng Pamahalaang Lunsod ng Meycauayan, na nagrereporma sa mga nagbebenta ng droga o drug pusher at mga may plea bargain sa mga otoridad.
Nagiging hakbang ang nasabing programa para ang mga natukoy na drug personality sa mga barangay ay mareporma sa loob ng isang buwan at madeklarang drug-free ang kanilang barangay kalaunan.
Katuwang sa programa ang iba’t-ibang ahensiya at tanggapan ng lokal na pamahalaan para sa kanilang livelihood training, alternative learning system, legal counseling, maging spiritual counseling mula sa volunteer christian group.
Hinimok naman ni Mayor Linabelle Ruth Villarica ang mga repormista na matuldukan na ang kanilang masamang gawain.
“Sana ito na ang last stop sa pagtutulak ng droga at unang hakbang sa panibagong buhay na iniaalok sa inyo rito,” anang alkalde.
Sinaksihan ang pagpasok ng 12 Meycauenong nagbabagong buhay nina PLtCol. Leandro Gutierrez, Acting Chief-of-Police ng City of Meycauayan Police Station, PDEA Provincial Officer Agent Alvin Morales, Konsehal Arnaldo Velasco, Atty. Jackelyn Pertinez, Bayugo Barangay Captain Jose Louis Cabrera, Hulo Brgy. Capt. Paul John Prodon, Zamora Brgy. Capt. Bryan San Pedro at City Anti-Drug Abuse Council Focal Person Ella Panen. – Ni Harold T. Raymundo