LUNSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – 15 guro mula sa Department of Education at 2 guro mula sa Polytechnic College of the City of Meycauayan o PCCM ang lumagda sa harap ni Mayor Henry R. Villarica, bilang iskolar ng Local Government Unit of Meycauayan nitong Martes, Setyembre 6 sa Emergency Operation Center ng Meycauayan City Hall.
Ikalawang taon na ng Teachers Professionalization Program ng Pamahalaang Lunsod ng Meycauayan, kung saan ang mga kuwalipikadong teacher-scholar ay libreng pag-aaralin ng lokal na pamahalaan sa Meycauayan College para sa kanilang Master’s Degree.
Sinaksihan nila Dr. Carolina Violeta, Schools Division Superintendent ng Department of Education, Dr. Jeric Cruz, Officer-in-Charge ng PCCM at Dean Reneliza Sta. Ana, ang paglagda sa kontrata sa pagitan ng 17 gurong benepisyaryo at Mayor Villarica.
“Hindi ko po lubos akalain na at the age of 37, makababalik po ako sa pag-aaral,” ani Catherine Escalante, isa sa mga napiling iskolar.
“This administration has never failed to prioritize the education sector. Pagbubutihin namin ang aming pag-aaral lalo’t higit na mapagbubuti pa ang antas at kalidad ng aming pagtuturo. Lahat yan para sa mga batang Meycaueño,” dagdag pa ni Escalante.
Sinimulan ni dating Mayor at ngayo’y Congresswoman Linabelle Ruth R. Villarica ang nasabing programa sa 40 iskolar na patuloy na nag-aaral hanggang sa kasalukuyan.
Nagsagawa naman ng kaukulang oryentasyon para sa mga iskolar sina. Judith Guevarra, Head ng City Human Resource Management Office o CHRMO at mga kinatawan ng Meycauayan College na sina Ryan Dayao, Phd., Vice Dean ng Graduate School at Dominador Lim, Registrar.