LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Itinampok ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga produkto ng 18 micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan sa ginanap na OTOPanalo Trade Fair.
Ayon kay DTI Bulacan spokesperson Mary Grace Sta. Ana-Reyes, sila ang mga MSMEs na ang mga produkto ay isinailalim sa programang One Town, One Product Next Generation.
Layunin ng programang ito na higit na maiangat ang antas ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng wastong product development, labeling upgrade, market expansion at packaging enhancement.
Ang mga MSMEs na lumahok sa nasabing trade fair ay mula sa larangan ng food, drinks, condiments, handicrafts, textile, jewelry at personal care.
Kabilang din sila sa may 738 na mga MSMEs sa Bulacan na natulungan ng DTI upang makabangon ngayong pandemya sa pamamagitan ng Bayanihan CARES Loan Program.
Base sa tala ng Small Business Corporation sa Bulacan, umabot sa 149 milyong piso ang napautang mula Hulyo 2020 hanggang Abril 2022.
Ito ang COVID-19 Assistance to Restart Enterprises na pinondohan ng dalawang magkasunod na stimulus packages na Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act at Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.
Kaugnay nito, ipinahayag ni DTI Provincial Director Edna Dizon na lalong paiigtingin ng ahensya ang pag-agapay sa mga MSMEs sa aspeto ng pagpapahiram ng puhunan at pagpapalawak ng merkado.
May halagang pitong bilyong piso naman ang panibagong pondo ng SB Corporation ng DTI para sa Bayanihan CARES Loan Program ang binuksan ngayong 2022. – Shane F. Velasco/PIA 3