GUIGUINTO, Bulacan (PIA)- Umabot sa 1,853 na mga bagong trabaho ang iniaalok upang mapagpilian ng 350 mga dating scholars ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)- Bulacan, mula sa iba’t ibang Training for Work Scholarship Program (TWSP) sa ginanap na World Café of Opportunities Fair.

Isinagawa ito ng TESDA- Bulacan bilang bahagi ng National Tech-Voc Day sa TESDA Regional Training Center sa Tabang, Guigunto, Bulacan.

Ipinaliwanag ni Melanie Grace T. Romero, provincial director ng TESDA-Bulacan, na isang mandato ito ng ahensiya na magsagawa ng mga kagaya nitong fair sang-ayon sa itinatadhana ng Republic Act 10970, na nagdedeklara sa petsang Agosto 25 kada taon bilang National Tech-Voc Day.

Layunin nito na maagapayan ang kanilang mga graduate at dating scholars na matanggap at makapasok sa inaaplayang trabaho. Pinapatunayan aniya nito na hindi lang tagapagbigay ng libreng matataas na kalidad ng skills training kundi magtitiyak na maipapasok agad sila sa target na trabaho.

Sa pagbubukas pa lamang ng nasabing fair, 10 indibidwal ang agad na natanggap o pawang mga hired on the spot o HOTS. Kabilang dito si Jerico Tala na 23 taong gulang na taga-Calumpit na naging HOTS bilang isang welder sa Megawide Corporation.

Dating Grade 4 lamang ang naabot sa pag-aaral kaya’t nagsumikap na makatapos sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd). Hanggang nagkaroon ng oportunidad na maging scholar ng TESDA at ngayo’y nakatamo na ng National Competitiveness (NC) I at NC II sa kursong Welding.

Nakalinya sa kanyang posibleng pagtrabahuhan ang mga proyekto na kontratista ang nasabing kompanya gaya ng Contract Package 104 o ang Ortigas section ng Metro Manila Subway Project, Malolos-Apalit section ng North-South Commuter Railway (NSCR) Phase II Project at mga real estate development projects sa San Jose Del Monte.

Ang nasabing mga proyekto ay iprinisinta ng Megawide Corporation kay TESDA Regional Director Baron Jose Lagran sa pagbubukas nitong World Café Opportunities Fair.

Isa ang industriya ng construction sa mga may inaalok na trabaho kasama ng iba pang larangan tulad ng tourism, agriculture, forestry, fishery, manufacturing, information and communication technology at business processing outsourcing.

Kaugnay nito, iniuulat din ni Romero na isinabay din sa World Café of Opportunities Fair ng National Enrollment Day kung saan aabot sa 1,088 na mga slots ang bukas para sa TWSP ng TESDA-Bulacan para sa School Year 2024-2025.

Magiging karagdagan ito sa 10,338 na benepisyaryo ng TWSP na ipinagkaloob ng TESDA-Bulacan mula nang pumasok ang taong 2024. Aabot sa P248 milyon ang halaga ng nasabing scholarships.

Iba pa rito ang 1,080 na nabiyayaan ng Special Training for Employment Program (STEP) ngayong taon na may halagang P21.1 milyon.

Samantala, sinabi naman ni Lagran na asahan ang mas marami pang oportunidad ang magbubukas para sa trabaho at hanapbuhay na naaayon sa Labor and Employment Plan of 2023-2028 ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Para maisakatuparan ito, inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga panukalang pondo ng TESDA na naipasok sa 2025 National Expenditure Program (NEP) na aabot sa P18.7 bilyon.  Nakapalooob dito ang P3.1 bilyon para sa TWSP at P1.7 bilyon para sa STEP — Shane F. Velasco/PIA Region 3-Bulacan