
MAMASAPANO, Maguindanao Del Sur – Inalala ng 19 na mamamahayag sa Luzon at personal na pinuntahan ang lugar nang pinangyarihan ng madugong Mamasapano Encounter nitong Linggo, Enero 25 sa Brgy. Tukanalipao sa bayan na ito.
Nag-alay ng bulaklak at panalangin ang mga journo sa lilim ng punong langka kung saan inihilera ang mga katawan ng 44 na Special Action Force ng Philippine National Police 10 taon na ang nakakaraan.
Enero 25, 2015 nang naganap ang bakbakan sa pagitan ng SAF at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front, kung saan 66 na buhay ang nawala.

44 mula sa SAF, 17 mula sa MILF at 5 sibilyan ang nasayang ang buhay dahil sa kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon kay Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education at Chairman ng MILF Peace Implementing Panel, maiiwasan ito kung may koordinasyon lamang mula sa gobyerno.
Samantala, inalala din ng mga mamamahayag sa Luzon ang Ampatuan Massacre sa mismong lugar na pinangyarihan na naganap taong 2009, sa pamamagitan ng personal na pag-aalay ng panalangin at pagtutulos ng kandila para sa 58 na biktima, kung saan 32 rito ay mga journalist din.
Bahagi ng Inside BARMM: A Walk Through the Bangsamoro Region ang pagdalaw ng mga mamamahayag sa Mamasapano Site at Ampatuan, Massacre Site sa Ampatuan, Maguindanao Del Sur. – Ni Harold T. Raymundo