CAMP GENERAL ALEJO S. SANTOS, Lungsod ng Malolos, Bulacan —Dalawang suspek sa naganap na insidente ng panghoholdap sa isang fast food restaurant sa bayan ng Santa Maria, Bulacan ang naaresto sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng Bulacan PNP.
Batay sa ulat ni PLTCOL. MARK LOUIE M. SIGUA, hepe ng Santa Maria Municipal Police Station, ang dalawang suspek, kapwa nasa edad na 47 at 38 taong gulang, residente ng Imus, Cavite at Caloocan City, ay sangkot sa panghoholdap na naganap sa isang kainan nitong Linggo, Nobyembre 9.

Sa agarang aksyon ng Santa Maria MPS, nagsagawa ang mga operatiba ng follow-up at hot pursuit operation na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa Brgy. 175, Caloocan City nitong Lunes Nobyembre 10.
Narekober mula sa kanilang pag-iingat ang ginamit na sasakyan, dalawang pares ng plaka ng sasakyan, isang kalibre .38 baril na may mga bala, malaking halaga ng salapi kabilang ang mga barya, tatlong cellphone, at iba pang mga gamit na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Ang mga suspek ay nabigyan ng kanilang karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at kasalukuyang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa kanila na isasampa sa Tanggapan ng Piskal sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay PCOL. ANGEL L. GARCILLANO, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek ay patunay ng kahusayan at dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng katahimikan at seguridad sa lalawigan, alinsunod sa direktiba ni PBGEN. PONCE ROGELIO I. PEÑONES JR., Regional Director ng Police Regional Office 3. ###






