Nagpakuha ng larawan sa harapan ng bagong gusali ng Bulacan Provincial Forensic Unit bago simulan ang tradisyunal na ribbon-cutting, sina Gobernador Daniel R. Fernando (ikalawa sa kaliwa), PCol. Charlie A. Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan Provincial Police Office o BPPO at kinatawan ni PBGen. Matthew Baccay, Regional Director ng Police Regional Office 3, PBGen Belli Tamayo, Director ng PNP Forensic Group at PCol. Joseph Perdido, RC, RFU3.- Ni Harold T. Raymundo

KAMPO HENERAL ALEJO S. SANTOS, Lunsod ng Malolos, Bulacan- Pinasinayaan at binasbasan ang bagong dalawang palapag na gusali ng Bulacan Provincial Forensic Unit nitong Miyerkules, Hulyo 27 sa lunsod na ito.

Nagsilbing Panauhing Pandangal at Tagapagsalita si Gobernador Daniel R. Fernando sa nasabing pasinaya at si Rev. Msgr. Pablo S. Legaspi, Jr., ang siyang nagbasbas ng bagong pasilidad.

Nagkakahalaha ng P4,285,000 ang bagong gusali na sinimulang gawin noong Disyembre 20, 2021 at nagmula sa pondo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Bago nito, isang seremonya nang pagpupugay ang isinagawa ng Bulacan Provincial Police Office o BPPO sa pagdating ni Gob. Fernando kasabay si PCol. Charlie A. Cabradilla, Acting Provincial Director ng BPPO at nagsilbing kinatawan ni PBGen Matthew Baccay, Regional Director ng Police Regional Office 3.

Katabi lang ng Main Building ng BPPO ang bagong gusali, na magiging himpilan ng
Tanggapan ng Scene of the Crime Operatives o SOCO.

Isinagawa ang programa sa ilalim ng tent lamang o pansamantalang panabing sa init ng araw at sinorpresa ni Gob. Fernando ang mga kapulisan sa pangakong paghahandog ng Basketball Court o isang Multi-Purpose Covered Court na sementado na magiging lugar ng mga aktibidad ng BPPO, tulad ng kasalukuyang ginaganap.

Sa mensahe ni Gob. Fernando bago simulan ang pagbabasbas, ipinaliwanag niya ang kahalagahan nang ipinatayong gusali.

“Ito po ay patunay sa mahusay at malawak nating serbisyo para sa ating lalawigan at patuloy po ang paghahangad nating matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kalalawigan at lalo pang mapaghusay ang serbisyo sa ating bayan. Naging posible ang lahat ng ito dahil sa maayos nating pagdedecide at ugnayan. Talaga namang makabuluhan ang okasyong ito sapagkat binubuksan nito ang bagong kabanata sa epektibong paglilngkod  ng mga crime laboratory personnel na siyang operative support ng ating mga kapulisan,” ani Fernando.

“I hope this building will become part of your legacy to this institution. Hangad ko ang maayos at maasahang serbisyo na inyong ipagkakaloob sa ating komunidad at pamayanan. Panatilihin nating malinis ito at may integridad na handang tumulong anumang oras sa mga nangangailangan,” dagdag pa ng gobernador.

Ayon naman kay PD Cabradilla, mas lalong pagbilis ng kalutasan ng  isang krimen ang hatid ng bagong pasilidad.

” Ang inagurasyong ito ay simbolo ng tibay nang pagiging magkatuwang ng Bulacan Police Provincial Office, Bulacan Provincial Forensic Unit at ng Provincial Government of Bulacan upang mas lalo pang mapaunlad at mapabilis ang pagresolba sa mga krimen gamit ang kabihasaan at makabagong pamamaraan nang siyentipikong imbestigasyon,” ani  Cabradilla.

Binasbasan din ang isang markadong sasakyan na handog pa rin  ng pamahalaang panlalawigan at magsisilbing service vehicle ng SOCO
para sa mas mabilis ding pagresponde sa mga kriminalidad sa buong lalawigan.

Dumalo rin sa mahalagang okasyon para sa hanay ng kapulisan sa lalawigan, si PCol. Joseph Perdido, RC RFU3, na siyang naglahad ng pagpapakilala kay Gob. Fernando.