Mga lider ng Open Government, magsasama-sama sa bansa

MANILA — Pangungunahan ng Pilipinas ang pagsulong sa open governance movement sa pag-host nito ng 2025 Open Government Partnership (OGP) Asia and the Pacific Regional Meeting (APRM) na gaganapin sa Manila mula ika-5 hanggang ika-7 ng Pebrero.

Ang OGP ay isang global, multi-stakeholder initiative na layong gawing mas transparent, accountable, at responsive ang gobyerno o tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan. Isinusulong nito ang kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaan at civil society upang iangat ang antas ng serbisyo publiko, labanan ang korapsyon, palakasin ang mga komunidad, at lumikha ng tunay at pangmatagalang pagbabago–mga layunin na sentro sa adhikain ng Bagong Pilipinas, isang agenda na inuuna ang taumbayan.

Nakatuon ang APRM sa pagsusulong ng open government at sa pagtugon sa mga hamon sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng best practices at innovative solutions na nagpapabuti ng pamamahala sa Asia-Pacific. Higit sa 800 government officials, civil society leaders, at policymakers mula sa higit 40 na bansa ang inaasahang dadalo rito.

“This meeting is more than just a showcase of achievements. It’s a call to action, the rallying cry for solidarity amongst nations… Through trust, collaboration, and the belief in the power of our people, we can build a world where every citizen’s voice is heard and every government is accountable,” pahayag ni Philippine President Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang solidarity message para sa naturang event.

Nakatakdang magbigay ang Pangulo ng kanyang keynote address sa opening plenary sa ika-6 ng Pebrero. Samantala, magbibigay din ng kanyang opening remarks si Philippine Open Government Partnership (PH-OGP) Steering Committee Chairperson, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman.

Inaasahan din magbibigay ng kanyang welcome statement para sa mga Civil Society Organizations (CSO) si Malayang Lapian ng mga Kababaihan Inc. Executive Director at PH-OGP Co-Chairperson Aurora R. Chavez. Sa kabilang banda, tatalakayin naman ni OGP Incoming Chief Executive Officer Aidan Eyakuze ang tungkol sa partnership.

Tatlong high-level roundtable discussions ang gaganapin bilang highlight ng international gathering. Ito ay ang mga sumusunod: “Leadership in Action: Ambition and Collaboration for Strategy 2023-2028,” “Rising to the Challenge: The Road Ahead for Open Government,” at “A Regional Agenda for Open Government: How Economic Development, Democratic Security, and Open Government Go Together.”

Higit sa 20 breakout sessions at 35 side events ang tatalakay sa mga napapanahong paksa kasama na ang youth, climate change, economics, policymaking, justice, anti-corruption, digitalization, at iba pa.

Sa Huwebes, February 6, mula 2:30PM hanggang 3:00PM, isang press conference tungkol sa OGP-APRM ang gaganapin sa Galleries 1 and 2 ng Grand Hyatt Manila. Uupo bilang panelists sina DBM Secretary Mina Pangandaman, OGP (ad interim) Chief Executive Officer Paul Maassen, Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo, South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo, Jr., at PH-OGP Co-Chairperson Aurora R. Chavez.

Mayroong anim na Local Government Units (LGUs) sa Pilipinas ang aktibong lumalahok sa OGP Local Program, kasama ang South Cotabato, Baguio City, Quezon City, Tagbilaran City, Borongan City, at Municipality of Larena, na nagtataguyod ng open government reforms sa mga lokal na komunidad. Nakikipag-ugnayan din ang PH-OGP sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga Dagyaw Town Hall meetings at ng mga OGPinas! advocacy campaign, na halos 4,000 stakeholders na ang naabot sa 14 na mga rehiyon.

Para sa kumpletong lineup ng mga aktibidad at side events, iclick lang ang link: https://ogpasiapacific.org/Agenda/