LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Dalawang daan at labing-apat na Bulakenyo ang pumunta na naghahanap ng trabaho at umuwi na may sigurong hanapbuhay sa kanilang pagkaka-hired on the spot sa ginanap na Trabaho Negosyo Kabuhayan (TNK) Fiesta Caravan Job and Business Fair Local and Overseas Employment na ginanap nitong Martes, Setyembre 13 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.
Pinasalamatan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang 53 lokal at apat na overseas na employers na sumama sa job fair sa pagbibigay ng pagkakataon sa 2,946 na nagparehistrong Bulakenyo na makuha ang kanilang pangarap na trabaho.
Ibinahagi rin niya na mga aplikanteng Bulakenyo ang uunahin sa mga trabahong dala ng mga malalaking proyekto sa lalawigan kabilang ang Bulacan airport at ang Mega City sa Pandi, Balagtas, at Bocaue.
“Kasabay ng mga parating na mga developments ang pagdating din ng mga trabaho para sa mga Bulakenyo. Huwag po tayong masiraan ng kalooban. Laban lang po tayo. Pasasaan ba at makakaraos din tayong lahat,” anang gobernador.
Nangako rin si Fernando na patuloy na magsasagawa ng buwanang job and livelihood fair ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office upang makatulong sa mga Bulakenyong naghahanap ng trabaho.
Samantala, umiiyak na nagpasalamat sa iQor, isang kumpanyang BPO, si Jhonavie Pagtalunan, isang dating scholar ng Pamahalaang Panlalawigan at undergraduate ng Theater Arts, sa pagtanggap sa kanya sa trabaho sa mismong araw na iyon.
“Malaking tulong po ito sa family ko, para sa mga medical bills nila. It will also help me para ma-boost pa ‘yung confidence ko and ‘yung English ko,” ani Pagtalunan.
Ilan sa mga industriya na nag-alok ng mga bakanteng trabaho sa mga Bulakenyo ang logistics, Business Processing Outsourcing, whole at retail trade, construction, consumer goods, sales at marketing, automative sales and services, security services, transportasyon, water industry, information technology, janitorial services, edukasyon, health and wellness, finance industry, food industry, at manufacturing.
Maliban sa mga inaalok na trabaho, nagkaroon din ng one-stop shop ang mga ahensyang nasyunal upang tulungan ang mga aplikante sa pagsasaayos ng mga kinakailangan nilang dokumento kabilang ang SSS, NBI, Philhealth, PSA, BIR, DTI, DOLE, TESDA, DMW, POEA, at OWWA. – PPAO