LUNSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, — May 26 mag-aaral mula sa Gitnang Luzon ang kwalipikado sa 2022 Fisheries Scholarship Program o FSP ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Sa naturang bilang, 20 ang pasok sa Fisherfolk Children Educational Grant, tatlo sa Fisheries Industry Leader, at tatlo para sa FSP na laan sa mga katutubo.
Ayon kay BFAR Fisheries Scholarship Coordinator Nico Wamil, makakatanggap ang mga benepisyaryo ng libreng matrikula at iba’t-ibang prebilehiyo sa kanilang pagkuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries.
Kabilang sa mga ito ang buwanang allowance na nagkakahalaga ng limang libong piso, dalawang libong piso para sa book allowance bawat semestre, at tatlong libong piso para sa practicum support.
Mayroon ding pitong libong piso na research grant, at isang libo at limang daang piso bilang graduation support.
Bukod pa rito, may prebilehiyo rin ang mga benepisyaryo na pumili ng kanilang paaralan basta ito ay akreditado ng FSP. – Reia G. Pabelonia/PIA 3