SAN RAFAEL, Bulacan — Pormal nang inilunsad sa Bulacan ang kampanyang Pinas Lakas ng Department of Health o DOH, kung saan may inisyal na 68,334 doses ang naiturok sa mga nagpa-second Booster Shots laban sa COVID-19.
Ang programa ay alinsunod sa direktiba ng administrasyong Marcos na mas paigtingin ang pagsasagawa ng mga first at second booster shots sa maraming bilang ng mga Pilipino.
Sinabi ni Irish San Pedro-Santos, tagapagsalita ng DOH Bulacan Field Office, layunin nito na mapalakas pa ang herd immunity laban sa iba’t ibang variants ng COVID-19.
Target na mabigyan ng ikalawang booster shot ang may 90 porsyento na mga senior citizen at 50 porsyento para sa first booster sa lahat ng sektor pagsapit ng Oktubre 8, 2022 o ang unang 100 araw ng bagong administrasyon.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando ang paglulunsad ng Pinas Lakas campaign sa bayan ng San Rafael kung saan mismong si Bise Gobernador Alex Castro ang binigyan ng opisyal na unang second booster.
Sinabi naman ni Patricia Alvaro, tagapagsalita ng Provincial Health Office o PHO, na nasa 176 ang mga vaccination sites na may 227 team sa buong lalawigan, upang mas marami ang maabot para mabigyan ng mga booster shots.
Base sa tala ng PHO, nasa 675,047 doses pa lamang ang naiturok sa mga nagpa-first booster hanggang nitong Agosto 3, 2022.
Kabilang sila sa mga nabakunahan laban sa COVID-19 kung saan 5,906,570 milyong doses ang naibigay mula noong Marso 2021.
Sa loob ng nasabing bilang, 2,518,217 milyong doses ang naiturok sa mga fully vaccinated at 2,644,972 milyong doses para sa mga may unang dose pa lamang hanggan nito ring Agosto 3, 2022.
Kaugnay nito, ang Vaccination Site sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos ay patuloy na bukas sa mga walk-in na magpapa-booster shots mula araw ng Lunes hanggang Linggo, sa ganap na alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-tres ng hapon maliban sa mga deklaradong holidays.
Bukas ito sa mga may edad na 12 hanggang 17 na wala pang first, second doses at first booster. Para naman sa mga may edad 18 pataas, maaari pa ring magpabakuna mula sa first dose hanggang sa second booster.- Shane F. Velasco/PIA 3