DILAW IN BULACAN -- Ang rock band na ‘Dilaw’ sa kanilang pagtatanghal para sa libu-libong Bulakenyo sa ginanap na Singkaban Concert sa Bulacan Sports Complex, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Sabado. -- PPAO

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Humigit kumulang 3,500 Bulakenyo ang nakisaya kasama ang rock
band na Dilaw sa pagtugtog nila ng kanilang mga sikat na awitin sa ginanap na Singkaban
Concert sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito noong Sabado.
Binubuo nina Dilaw Obera sa vocals, En Altomonte sa synthesizer, Vie Dela Rosa sa rhythm
guitar, Tobi Samson sa drums, Leon Karlos sa lead guitar, at Wayne Dela Rosa sa bass guitar,
niyanig ng banda ang mga manunuod sa kanilang pagtugtog ng “Uhaw”, “Janice”, at “Nilalang”
bukod sa iba pa.
Sinabi ni Janaiah Magpayo, isa sa mga nagtungo sa konsiyerto, na inaabangan niyang marinig
nang live ang relatable na musika ng Dilaw.
“Tuwing sasapit na po ang September, ito po talaga ‘yung inaabangan ng mga taga Bulacan.
Enjoyable po kasi ‘yung ginagawa nilang event na ito. Marami po silang pakulo na naeengganyo
po talaga ‘yung mga tao na nandito,” pagbabahagi ni Magpayo.
Maliban sa pangunahing banda, inaliw rin ng Bulakenyong banda na Shumi, at Bulakenyo boy
group na Eclipse ang mga manunuod sa kanilang pagtatanghal.
Samantala, matapos ang konsiyerto, namangha ang mga nagsidalo sa orchestrated at makulay
na fireworks display ng Solar Harvest, isang affiliate company ng Dragon Fireworks Inc.
Naging posible ang Singkaban Concert sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng
Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Smart Communications. — PPAO