LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Apat na dredging operation ang magkakasabay na isinagawa nitong Sabado, Setyembre 3 sa lunsod na ito at sa Bayan ng Hagonoy.
Gamit ang apat na backhoe dredger, sabay-sabay na paghuhukay ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan katuwang ang Tanggapan ni Congressman Danilo Domingo ng Unang Distrito ng Bulacan, sa mga daang-tubig at kailogan sa barangay ng Balite at Longos sa Lunsod ng Malolos at barangay ng San Isidro at San Agustin sa bayan naman ng Hagonoy.
May karagdagan pang apat na backhoe dredger na darating ngayong taon na bibilhin ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Engineer’s Office sa pamumuno ni Engr. Glenn Reyes.
Madalas makaranas nang pagbaha dulot nang malakas na buhos ng ulan at high tide ang apat na nabanggit na barangay na sakop ng unang distrito ng lalawigan.
Pinangunahan naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pagiinspeksyon sa nasabing dredging operation kasama sina Bise Gobernador Alex Castro at Cong. Domingo.
Kasama ding sa pagiinspeksyon ang
Regional Director ng Department of Environment and Natural Resources o DENR at Department of Public Works and Highways o DPWH sa mga bumabaw na daang-tubig at kailogan na sanhi nang pagbaha sa mga naturang barangay.
Sinabi naman ni Gobernador Fernando na
malaking tulong ang dredging operation o paghuhukay sa mga maliliit na ilog at daang-tubig upang mabawasan ang problema nang pagbaha, ngunit ito’y pansamantala lamang.
“Paglalagay talaga ng dike ang permanenteng solusyon sa baha. Pero pansamantala, habang hindi pa ito nasisimulan, ito muna ang ating ginagawa para maibsan ang paghihirap ng mga tao,” ani Gob. Fernando.
Humingi rin ng tulong ang gobernador sa DENR, DPWH at mga lokal na pamahalaan na bumili ng backhoe dredger para madagdagan ang operasyon.
Hiningan din ng suporta ni Gob. Fernando ang mga pribadong kumpanya na magbigay nang karagdagang makinarya para masolusyonan ang matagal nang problema ng lalawigan kontra baha.
Ayon naman kay Cong. Domingo, inisyal pa lamang ang proyektong dredging, dahil bababa na rin ang malaking pondo mula sa DENR at DPWH para naman sa paggawa ng Mega Dike.
Na lalagyan ng malalaking Flood Control Project at Pumping Station upang malunasan ang dekadang problema sa baha.
May kasalukuyang dredging project pa rin ang magkatuwang na isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan at ni Cong. Domingo sa mga barangay ng Bulihan, Barihan, Santissima Trinidad, at Mojon na sakop lahat ng Lunsod ng Malolos.
Target sa kabuoang 8 lokasyon kasama ang naunang apat na lugar na makahukay ng 35,000 metro kubiko ng burak at basura.
Samantala binalaan naman ni Gob. Fernando na ipasasara nito ang mga malalaking pabrika sa lalawigan, na pasimpleng nagtatapon ng kanilang toxic at waterwaste sa mga ilog at sapa na nagdudulot ng polusyon sa katubigan ng Bulacan.