CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS, Lunsod ng Malolos, Bulacan – Naaresto ng mga pulis mula sa San Miguel Municipal Police Station ang isang lalaking sangkot sa insidente nang pamamaril at pagbabanta sa mga residente sa Brgy. Tartaro, San Miguel, Bulacan nitong Linggo, Hulyo 27.

Nakilala ang suspek na si Alias Mining, 74 taong gulang, residente ng Brgy. Bubulong Munti, San Ildefonso, Bulacan at naaresto bandang alas-5:00 ng hapon sa pamamagitan ng mabilisang hot pursuit operation.

Ayon sa San Miguel MPS, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente ukol sa isang insidente ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa Brgy. Tartaro, na agad nilang nirespondehan, kung saan itinuro ng mga saksi ang suspek bilang responsable sa pamamaril at pagbabanta.

Naaresto ang suspek sa loob lamang ng limang minuto matapos ang insidente.

Ipinakita pa ng suspek ang kanyang mga dokumento kabilang ang pagkakakilanlan at rehistro ng baril nang siya ay inaaresto,  subalit sa beripikasyon, napag-alamang paso na ang lisensya nang nasabing baril, dahilan upang ito’y maituring na iligal alinsunod sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Narekober mula sa suspek ang isang (1) baril na ARMSCOR .9mm caliber pistol na may paso nang rehistro at limang (5) bala sa magasin. 

Ipinaalam ng mga rumespondeng pulis sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal (Miranda Doctrine) at dinala sa San Miguel MPS para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon. 

Inihahanda na rin ang mga kasong isasampa laban sa kanya para sa paglabag sa R.A. 10591, Alarm and Scandal, at Grave Threat sa Tanggapan ng Panlalawigang Piskal ng Bulacan.

Samantala, pinuri naman ni PCol. Angel L. Garcillano, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang San Miguel MPS sa mabilis at matagumpay na operasyon. 

Tiniyak din ni APD Garcillano  ang patuloy na dedikasyon ng Bulacan PPO sa kapayapaan at kaayusan, at hinikayat ang publiko na agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad o pagmamay-ari ng iligal na baril. ###