LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – May kabuoang bilang na 5,239 Bulakenyo ang napilitang iwan ang kanilang mga tahanan at sumilong sa iba’t ibang evacuation center sa lalawigan upang takasan ang hagupit ng Super Typhoon Karding nitong Linggo, Setyembre 25 hanggang Lunes, Setyembre 26.
Ayon sa Pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office Rowena J. Tiongson, 117 evacuation center ang kasalukuyang kumukupkop sa 1,571 pamilya kabilang ang 1,447 bata at 231 matatanda sa buong lalawigan.
Agarang rumesponde at namahagi ng family food packs (FFP) at non-food items (NFI) si Gobernador Daniel R. Fernando sa 176 pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Obando Municipal Hall, kasama sina Bise Gobernador Alex Castro at Obando Mayor Leonardo “Ding” D.C. Valeda nitong Setyembre 26
Sa kanyang tv interview na ginawa ni GMA News reporter Mariz Umali, sinabi ni Gobernador Fernando na bibisitahin at magdadala rin siya ng tulong sa mga apektadong Bulakenyo sa mga bayan ng San Miguel, Dona Remedios Trinidad, Angat, San Ildefonso, at San Rafael na matindi ring tinamaan ni Karding.
“Hangga’t hindi humuhupa ang tubig sa kanilang mga lugar ay hindi muna po natin pababalikin ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan dahil delikado pa. Pupuntahan po natin sila. Uunahin lamang po natin ang mga lubhang naapektuhan ng pagbaha at sisikapin po natin tulungan ang lahat ng nasalanta,” anang gobernador.
Bandang alas 7:00 ng umaga, nasa 184.07 mts. ang elebasyon ng Angat Dam na mababa sa flood season high water level na 210 mts., habang nasa 101.07 mts. ang Ipo Dam at 16.22 mts. naman ang Bustos Dam.
– 30 –