GUIGUINTO, Bulacan – Sunud-sunod na naitayo sa Bulacan ang mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure na umaabot na sa 738 na mga sites.
Ayon kay Department of Information and Communication Technology (DICT)-Central Luzon Regional Director Reynaldo T. Sy, bahagi ito ng nagpapatuloy na malawakang pagtatayo ng nasabing mga towers sa bansa, upang pabilisin ang koneksiyon sa telepono at sagap sa internet.
Nagsimula ito nang maisabatas ang Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover As One Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Setyembre 2020. Base sa isang probisyon nito, pansamantalang sinuspinde ang mga rekisito para sa pagtatayo ng mga towers para sa telepono at internet.
Kaya’t mabilis na naitayo ang mga imprastrakturang may kinalaman sa sektor at industriya ng information and communication technology (ICT) gaya ng mga towers, equipment, software at wireless technologies sa nakalipas na mahigit isang taon.
Bagama’t natapos na ang bisa ng Republic Act 11494, patuloy pa rin ang pagpapatayo ng mas marami pang mga kagaya nitong pasilidad sa pamamagitan ng Revised Joint Memorandum Circular 1 of 2021.
Sa puntong ito, kahit ibinalik na ang mga rekisito na kailangan sa pagtatayo ng mga towers na pansamantalang inalis ng Republic Act 11494, mas pinadali at pinabilis naman ang mga proseso upang maging tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure.
Sa pangunguna ng DICT, katuwang nito sa pagpapatupad ng naturang joint memorandum circular ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Health (DOH) at ang Anti-Red Tape Authority (ARTA)Kaugnay nito, sinabi ni DICT Undersecretary for Resilient Government Emergency Communication Alan Silor, maituturing na ang malawakang pagtatayo ng towers ay nakatulong nang malaki upang lumakas ang sagap sa internet at ang koneksiyon sa linya ng telepono sa bansa.
Mula nang maitatag ang DICT noong taong 2016, nasa 9 megabits per seconds (mbps) ang karaniwang lakas ng sagap ng internet. Ngayong 2022, umakyat na sa 36 hanggang 40 mbps para sa mobile data at 60 mbps sa fixed broadband.
Pumapalo na rin hanggang sa 100 mbps naman ang lakas ng internet na ikinakabit ng DICT sa mga pangunahing lugar sa ilalim ng Free Internet Access Program. – Ni Shane F. Velasco/PIA-3