LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Umabot sa 79 na exhibitor ang lumahok sa pagsisimula ng Bulacan Food Fair and Exposition o BUFFEX nitong Martes, Setyembre 6 sa harapan ng Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.
Inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry ang nasabing trade fair sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nag-alok ng iba’t-ibang produktong Tatak Bukakenyo.
Ang BUFFEX ay kabilang sa mga aktibidad na nakapaloob sa isang linggong pagdiriwang ng Singkaban o Sining at Kalinangan ng Bulacan Festival na sinimulan noong Setyembre 8 at nagtapos nitong Huwebes, Setyembre 15.
Kinatawan ni Provincial Administrator Tonette Constantino si Gobernador Daniel R. Fernando bilang panauhing pandangal at katuwang si Bise Gobernador Alex Castro sa pagputol ng laso, hudyat nang pabubukas ng BUFFEX 2022.
“Ang core po nito ay ang ating komersyo at industriya so napakagandang senyales po nitong muling pagbubukas ng BUFFEX as we go back to the new normal kumbaga we are standing on the threshold of change at sa mabilis na pagkakataon at panahon makikita natin ang pagbabago ng mukha ng probinsiya. ‘Wag po tayong magugulat kung biglang ang mga kapiling po natin ay puro high rise building, international headquarters.”
Ito ang mensahe ni PA Constantino bago simulan ang kalakalan ng mga consumer product para sa mga Bulakenyong mamimili at mga nakipiyesta sa loob ng compound ng kapitolyo.
Bunsod aniya ng maraming oportunidad partikular na sa larangan ng pagnenegosyo, hindi malayong kilalanin ang Bulacan bilang “Gateway to the World” bukod sa nauna nitong bansag na “Gateway to the North.”
“The opportunity is very real so it’s going to happen to our province in the next six to eight years and the preparation cannot be within the next six to eight years it has to start today,” ani Constantino
Idinaos din ang “BUFFEX SKL -Sayaw Kanta Luto” na cooking demo ni dating sex bomb dancer na si Sunshine Garcia at kanyang asawa na si Bise Gob. Castro at ang pormal na pagsisimula ng BUFFEX Coverage para sa Tiktok Contest na may temang “Tangkilikin ang BUFFEX.”
Samantala sa kanyang mensahe, ibinalita ni Regional Director Leonila Baluyut ng DTI – Region 3 na kumatawan kay DTI Undersecretary Blesila A. Lantoyana na mula Marso 2020 hanggang Marso 2022, higit 17,000 ang bilang ng mga negosyong nagsara sa rehiyon subalit sa parehong panahon ay nakapagtala din ang kanilang tanggapan ng higit 45,000 na mga bagong bukas na negosyo.
May temang “BULACAN FOODS: Emerging and Sustaining Industries Beyond the Pandemic,” ang itinampok sa weeklong activitiy o anim na araw na mga gawain ng ika-10 taong pagsasagawa ng BUFFEX.
Kabilang dito ang DTI Day noong Setyembre 8 kung saan isinagawa ang pagsasanay na may paksang Trends in Digital Marketing at Food Quiz Bee,
Sayawan sa BUFFEX para sa mga estudyante sa mataas na paaralan at kolehiyo at Awitan sa BUFFEX para sa mga mag-aaral sa elementarya noong Setyembre 8, Tribute to Bulacan Food Champions, Exhibitors’ Videoke Challenge at mga palaro noong Setyembre 9, Grand Finals ng Tiktok Contest, ZUMBEX (Zumba sa BUFFEX Dance Competition) at Closing Ceremony at Awarding ng mga Best Booth noong Setyembre 10.
Kabilang naman sa mga dumalo sa Grand Launch at Opening Ceremony ng BUFFEX
sina Mayor Agatha Paula A. Cruz ng Guiguinto, Mayor Ma. Rosario O. Montejo ng Pulilan, mga kinatawan nina punong lunsod/bayan ng Malolos, Paombong at San Miguel, BCCI Board of Trustees na pinangunahan ni Pangulong Victor F. Mendoza, Chairman of the Board Cristina C. Tuzon ng BCCI at Provincial Director Edna Dizon ng DTI-Bulacan.