KAMPO OLIVAS, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Inihayag ni Central Luzon Police Director PBGen. Redrico A. Maranan na epektibo ang ipinatutupad na peace and order operational framework na may pormulang Enhanced Police Presence (EPP)+ Quick Response Time (QRT) + Counter Actions against Drug groups, Criminal gangs and Private armed groups (CADCP) = Safe Region 3 (SR3) dahil sa makabuluhang pagbaba ng 8 focus crimes sa buong rehiyon nitong katatapos na buwan ng Nobyembre.
Sa datos ng PNP Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS), nakapagtala ng kabuuang 213 mga insidente ng 8 focus crimes na kinabibilangan ng murder, homicide, robbery, theft, motornapping, carnapping, rape, at physical injury na bumaba ng 108 o 66.36% kumpara sa nakalipas na buwan ng Oktubre na may 321 nairekord na mga insidente.
Sinabi pa ni RD Maranan na malaki talaga ang naitulong ng pinaigting na police presence, 24/7 checkpoints at police outposts sa lahat ng panig ng rehiyon upang mapigilang mabigyan ng oportunidad ang mga kawatan at iba pang kriminal na maisakatuparan ang kanilang mga iligal na gawain.
“Ang tagumpay na ito ay resulta ng kooperasyon sa pagitan ng kapulisan, mga lokal na pamahalaan, at ng taumbayan. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga kampanya laban sa krimen at iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon,” ani RD Maranan.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng pulis ng Region 3 sa kanilang dedikasyon at masigasig na paglilingkod sa pagpapatupad ng mga programa ng kapulisan. “Ang inyong sakripisyo at walang-pagod na serbisyo ang pundasyon ng ating tagumpay. Ang pagkakamit natin ng mas ligtas na rehiyon ay hindi magiging posible kung wala ang inyong tapat na paglilingkod,” dagdag pa niya.
Ipinaalala din ng butihing Regional Director ang kahalagahan ng pagiging mapagbantay ng publiko at ang patuloy na pagsuporta sa mga programa ng kapulisan para sa mas ligtas na pamayanan. Ang panghuhuli sa mga wanted persons at ang kampanya laban sa iligal na droga at mga hindi lisensyadong baril ay nananatiling pangunahing layunin ng PRO3 upang masiguro ang seguridad ng bawat mamamayan.