CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga — Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng epektibong komunikasyon sa pamahalaan, kinilala si Police Regional Office 3 Director at PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo bilang isa sa mga pinakamahusay na tagapagsalita ng gobyerno sa bansa.
Nakamit niya ang 78.7% performance rating na naglagay sa kanya sa ikapitong puwesto sa hanay ng Top 10 Government Communicators para sa unang quarter ng 2025.
Pinarangalan si PBGEN Fajardo dahil sa kanyang mahusay na kakayahan sa pagbibigay-linaw sa mga isyung may kinalaman sa kapulisan at seguridad, gamit ang malinaw, makatao, at madaling maunawaang paraan ng komunikasyon na nakatutugon sa pangangailangan ng publiko.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni PBGEN Fajardo: “Isang malaking karangalan para sa akin na mapasama sa hanay ng mga kinikilalang government communicators. Higit sa lahat, iniaalay ko ang pagkilalang ito sa buong Pambansang Pulisya na araw-araw ay nagsasakripisyo upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Ang tiwala ng publiko ang nagsisilbing inspirasyon namin upang patuloy na pagbutihin ang aming serbisyo.”
Ang naturang pagkilala ay bahagi ng unang comprehensive performance assessment para sa mga pangunahing tagapagsalita at information officers ng pamahalaan na isinagawa ng RPMD Foundation Inc., katuwang ang RPMD News Network Inc., sa ilalim ng programang Boses ng Bayan.
Isinagawa ang nasabing survey mula Abril 1 hanggang 7, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 5,000 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin nitong masukat ang bisa, kredibilidad, at antas ng tiwala ng publiko sa mga tagapagsalita ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. ###