Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Malakanyang na huwag maging kampante sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, at agad na maghanda para sa posibleng epekto ng sigalot sa milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin ni Sen. Hontiveros na ang pagtindi ng gyera ay maaaring makaapekto hindi lamang sa tinatayang 29,473 na Pilipino sa Israel at 1,184 sa Iran, kundi pati na rin sa humigit-kumulang 2.2 milyong Pilipino sa Gitnang Silangan—lalo na at nagbanta ang Iran na babalikan nito ang mga pasilidad o personnel ng Amerika sa iba’t ibang bansa sa rehiyon.
“The whole of government must prepare measures to safeguard OFWs in the region. Milyon-milyon ang Pilipinong maapektuhan kung sakaling lumala ang krisis sa Middle East. There is no room for complacency. Ano na nga ba ang kahandaan ng pamahalaan? May plano na nga ba para iligtas ang napakaraming OFW?” tanong ng senadora.
Itinanong din ng senadora kung sapat pa ba ang alert level system na ginagamit ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang balaan ang mga OFW sa Israel at Iran, lalo na sa harap ng halos araw-araw na karahasan at kaguluhan sa dalawang bansa. Ang DFA, na nagbibigay ng babala mula Alert Level 1 (mga senyales ng internal disturbance) hanggang Alert Level 4 (sapilitang paglikas at repatriation), ay kasalukuyang nagdeklara ng Alert Level 3 (boluntaryong repatriation) sa Iran at Israel.
“Ang sabi ng DFA, hindi pa idineklara ang Alert Level 4 at hihintayin pa daw ang recommendation ng mga ambassadors. Meanwhile, many other European and Asian countries are already evacuating their citizens through remaining air and land routes. While it is important for the Pinoy community to remain calm, sana hindi tayo mag-eevacuate kung kailan huli na ang lahat,” ayon kay Hontiveros.
Nanawagan din ang senadora sa DFA at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking may malinaw na contingency plan, at sapat na resources para sa malawakang evacuation, transportasyon at pag-aalaga sa daan-daan o libo-libong OFWs, sakaling kinakailangan itong gawin.
Binigyang-diin ng senadora na sa harap ng posibleng malawakang pinsala at panganib na dulot ng sigalot ng Iran at Israel, nararapat lamang na gawing “agarang pambansang prayoridad” ang kaligtasan ng mga OFW sa Gitnang Silangan.
“Unahin natin ang kaligtasan ng ating mga OFW. Huwag tayo maging kampante at huwag natin balewalain ang panganib. Kung hindi, napakaraming kababayan natin ang maapektuhan at malaking panibagong krisis ito para sa buong bansa,” pagtatapos ni Hontiveros.###