CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Lunsod ng Malolos, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office o BPPO ang Most Wanted Person sa Central Luzon sa isinagawang manhunt operation ngayong araw, Agosto 1 sa  Paombong, Bulacan.

Batay sa ulat na isinumite ni PMaj. Michael  Santos, Acting Force Commander ng 2nd Bulacan Provincial Mobile Force Company, naaresto ang  suspek, na may alyas na Gel, isang construction worker dakong alas 9:30 ng umaga  sa Brgy. Sto. Rosario nang nasabing bayan.

Isinagawa ang  operasyon sa pamamagitan nang pinagsanib na pwersa ng Tracker Team ng 2nd Bulacan PMFC (lead unit), PIT Bulacan West – RIU 3, Paombong Municipal Police Station, at 24th Special Action Company.

Naaresto si  Gel sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Murder (Article 248 ng Revised Penal Code) sa ilalim ng Criminal Case No. 3809-M-2025, na inilabas ni Hon. Gorgonio B. Elarmo Jr., Presiding Judge ng RTC Branch 77, Malolos City, Bulacan, noong Hulyo 8 at walang inirekomendang piyansa 

Sa pangunguna ni PCol. Angel Garcillano, Acting Provincial Director ng BPPO, patuloy ang determinadong kampanya ng pulisya sa pagtugis at pagdakip sa mga Most Wanted Persons sa lalawigan. 

Bahagi nang pinaigting na direktiba ng Pambansang Pamunuan ng Philippine National Police ang matagumpay na operasyon para mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng mga Bulakenyo.###