Oplus_131072

Nakita na natin kung gaano katalamak ang korapsyon sa ating bansa.

Deka-dekada nang pinagpipiyestahan ang kaban ng bayan sa mga maanomalyang transaksyon na nanggagaling sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Kundi pa nagkaroon ng political will ang ating Pangulo na papanagutin lahat ng sangkot kahit sino pa man ang tamaan ay hindi pa masisimulan ang paghabol sa mga salot ng lipunan.

Dangan na nga lamang ay kung paano malilinis ng lahatan nang inatasang Independent Commission ang mga ahensyang nagamit sa pagkamkam ng yaman ng bayan.

Ang maganda sa naging diskarte ng Pangulo ay nawala sa kanya ang galit ng Sambayanan at napunta sa mga personalidad ang sentro ng imbestigasyon patungkol sa anomalya sa mga flood control projects.

Hindi ba’t ang Pangulo dati ang sinisisi sa malawakang pagbaha tuwing panahon nang tag-ulan na nararanasan sa buong kapuluan?

Hindi lang sa DPWH, Kongreso, Senado, Ehekutibo kundi maging sa Hudikatura din ang may bahid na nang korapsyon.

Ilang Independent Commission kaya ang kakailanganin natin para malinis nang tuluyan ang ating gobyerno?

Kung  ako ang Pangulo, isasabay ko nang linisin ang lahat ng departamento ng Pamahalaang Nasyonal, kung kakayanin ng mga dapat magimbestiga o aatasan muling mag-imbestiga na walang bahid sa pagkatao.

Sisimulan ko sa bakuran ko na Office of the President, kasabay ng Office of the Vice President, dahil sila ang may pinakamataas na posisyon.

Kahit na may impeachment trial nang gumugulong na sandaling ipinatigil ng Korte Suprema ay may iba pa namang pamamaraan tulad ng Ombudsman o ano pa mang ahensya.

Isusunod ko ang mga iba’t-ibang tanggapan nang pamahalaan na may malaking alingasngas base sa intelligence na nakalap ng Office of the President.

Walang exception pati ang mga government owned and controlled corporations o goccs ay aking ipasisilip.

Sa pagpili naman ng regional offices ay ganoon din ang aking gagawin kung ako ang Pangulo, una ang may mga nakitang may malaking usok dahil kung may usok may apoy na pinanggagalingan na maihahalintulad sa bahid nang katiwalian sa ahesyang nabanggit.

Kasunod na ang mga natitirang regional offices na siguro’y palabanutan na lang kung sino ang uunahing imbestigahan kung hindi man sabay sabay na silipin ng mga imbestigador.

Ika nga ni DPWH Secretary Vince Dizon ay mahabang panahon ang kakailanganin para malinis ang deka-dekada nang problema sa katiwalian.

Pero kung magagawa sana nang madalian para makamtan na ang hustisyang inasam-asam ng Taumbayan.

Kung ako ang Pangulo, kakailanganin ko nang ibayong sipag at talino, tapat at madiskarteng pamamaraan para masolusyunan ang korapsyong matagal na nating pinagtitiisan at nagpapabagsak sa ating Inang Bayan.###