LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – “Ang hamon sa atin ng kasaysayan ay pagtibayin natin ang halaga ng demokrasya na ating tinatamasa ngayon. Magagawa lamang natin ito kung tayo ay mananatiling nagmamahal sa ating bayan at nagkakaisa sa isang hangarin, sa iisang layunin at sa iisang pangarap. Magagawa lamang natin ito kung lagi natin iisipin na tayo ay iisang bansa lamang. Mula ng nabuksan ang Kongreso ng Malolos, malayo na ang ating narating bilang isang bansa. Maraming dagok din ang ating sinagupa; bagyo, lindol, pandemya pero hindi tayo tumigil at hindi tayo titigil.”
Ito ang mensahe ni Bise Presidente Sara Z. Duterte-Carpio sa Ika-124 Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos na pinangunahan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office kasama ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na ginanap sa makasayasayang Simbahan ng Barasoain dito kaninang umaga.
Bilang panauhing pandangal, pinangunahan ni Bise Presidente Duterte-Carpio ang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng monumento ni Hen. Emilio Aguinaldo na sinaksihan nina Gobernador Daniel R. Fernando, Bise Gobernador Alexis C. Castro, NHCP Chairman Dr. Rene R. Escalante at Punong Lungsod Christian Natividad ng Lunsod ng Malolos.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Fernando na bilang mga tagapagmana ng kongresong ito, isang hamon din sa mga Pilipino na maging karapat-dapat sa lahat ng demokrasyang mayroon tayo ngayon.
“Tayo ang mapalad na tagapagmana ng Kongresong ito. Dito pinagtibay ang demokrasyang pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani ng lahi; ang Kongreso ng Malolos. Ang lalawigang ito ay itinatag sa sakripisyo at pagtataguyod ng katotohanan. Patunay ang Kongreso ng Malolos na ang demokrasya ay isang prosesong inilaan para sa kabutihan ng tao. Sa ating mga kababayan, ito ay hamon na maging karapat-dapat sa lahat ng mabubuting bagay na ipinaglaban ng ating mga ninuno,” anang gobernador.
Dinaluhan rin ang programa ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mga pinuno ng tanggapan, Department of Education District Superintendents at supervisors at mga kinatawan mula NHCP, NGOs at NGAs.
Ang Kongreso ng Malolos ay unang itinatag noong Setyembre 15, 1989 upang pagtibayin ang konstitusyon para sa Unang Republika ng Pilipinas na pinamunuan ni Hen. Emilio Aguinaldo. Pinatibay nito ang Unang Konstitusyon ng Pilipinas na nagbunga sa proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 12, 1898. — PPAO