LUNSOD NG PALAYAN, Nueva Ecija — Epektibong hakbang laban sa terorismo at insurhensiya ang pagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF ELCAC.
Ayon kay Army Commanding General Lieutenant General Romeo Brawner Jr., ang pagtatag ng NTF ELCAC ang pinakamagandang hakbang kontra sa mga kalaban ng gobyerno dahil hindi lamang mga ahensiya ng pamahalaan ang kumikilos o nagtutulong-tulong kundi kasama din ang mga komunidad at mamamayan.
Nakikita aniya na epektibo ang programang ito kaya masaya siya na ipagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang magandang nasimulan ng NTF ELCAC upang tuluyan ng matapos ang mga usapin at suliraning dulot ng insurhensiya.
Ibinalita din ni Brawner na bago matapos ang kasalukuyang taon ay inaasahang tapos na din ang problema sa insurhensiya sa mga lugar na sakop ng Northern Luzon Command kabilang ang rehiyon.
Kaya patuloy ang kanyang panawagan sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor na patuloy maging katuwang ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa layuning maabot ang tunay at pangmatagalang kapayapaan ng bansa.
Hinihikayat din ni Brawner ang mga mamamayang nagnanais maging bahagi ng Philippine Army Reservist na bukas ang tanggapan para sa lahat na laging handa at may pusong maglingkod sa bayan.
Hindi lamang sa larangan ng pakikipaglaban magaling ang mga kasundaluhan kundi sa pagtulong sa mga kababayang nasalanta o naging biktima ng kalamidad katulad ng nangyaring lindol kamakailan na matinding tumama sa lalawigan ng Abra.
Bukod sa mga kasundaluhan ay tumutulong at nagsasakripisyo din ang mga Army Reservist sa pagtulong sa mga komunidad nang walang hinihintay na kapalit o benepisyo.
Panauhing tagapagsalita si Brawner sa kamakailang pagdiriwang ng ika-34 na taong pagkakatatag ng Army 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay, Lunsod ng Palayan. Camille C. Nagano/PIA 3