BAYAN NG BOCAUE, Bulacan – Makikinabang ang may 7,704 na mga manggagawa sa pribadong sektor na nakabase sa Bocaue, Balagtas at Pandi sa patuloy na Run After Contribution Evaders (R.A.C.E.) operations ng Social Security System (SSS)-Bocaue branch.
Ayon kay Evangeline Mananghaya, branch manager ng SSS-Bocaue, target mahabol ang nasa P11 milyon na hindi naihuhulog na mga kontribusyon ng may 1,974 delinquent employers sa nasabing mga bayan.
Kaya’t sa ginanap na R.A.C.E. operation, may inisyal na anim na mga employers ang sinadya ng mga opisyal ng SSS. Kinabibilangan ito ng mga nasa sektor ng rice milling, retail, information technology at manufacturing na may 88 mga manggagawa.
Aabot sa 4,380 na mga employers ang nakarehistro sa SSS-Bocaue na nasa Pandi, Balagtas at Bocaue kung saan ang 2,406 sa kanila ay regular na naghuhulog ng kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.
Ipinaliwanag ni Gloria Corazon Andrada, vice president ng SSS sa Luzon Central 2, nagagabayan ng SSS sa pamamagitan ng R.A.C.E. operation ang mga delinquent employers kung paano makakabayad sa takdang panahon.
Dito inialok ang paggamit sa Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 3 condonation na mas pinalawig hanggang Nobyembre 22, 2022.
Ang sistema, kinakailangang ang natukoy na 1,974 na mga delinquent employers ay makapagsumite sa SSS ng aplikasyon upang magamit ang PRRP 3 bago ang nasabing petsa.
Kapag naaprubahan ng SSS ang aplikasyon, maaari nang bayaran ang hindi naihulog na kontribusyon na kalakip ang interes at penalties.
Halimbawa, mayroong siyam na buwan ang isang delinquent employer para makabayad kung nasa P50 libo pababa ang hindi naihuhulog na kontribusyon. Kung nasa mahigit P10 milyon naman ang hindi naihuhulog, kailangang makapagbayad ito sa loob ng limang taon.
Binigyang diin ni Andrada na bagama’t hanggang Nobyembre 22, 2022 ang palugit para sa aplikasyon na magamit ang PRRP 3, mas mainam aniyang simulan na rin ang pagbabayad sa loob ng 15 araw mula nang mabigyan ng demand letter na bunsod ng R.A.C.E. operation.
Ginagawa aniya ng SSS ang R.A.C.E. upang matiyak na may makukuhang benepisyo ang mga manggagawa sa pribadong sektor sakaling kailanganin sa panahon ng agarang pangangailangan, pensiyon sa pagreretiro at kung may hindi inaasahang pangyayari gaya ng pagkakasakit o pagkamatay.
Samantala, kapag hindi pa rin nagbayad ang isang employer sa kabila ng iniaalok na PRRP 3 condonation, magsasampa na ng kaso ang SSS sa korte bilang kaukulang legal na hakbang. Ni Shane Frias Velasco PIA-3