LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Mahigpit ang ginagawang pagbabantay at pagkontrol ng Bulacan Environment and Natural Resources o BENRO, sa iligal na pagtotroso o logging at pagmimina ng lupa o quarrying sa buong lalawigan.
Layunin ng BENRO na paigtingin ang proteksyon na kanilang ipinapatupad sa tagubilin na rin ni Gobernador Daniel R. Fernando para sa preserbasyon ng kalikasan at kapaligiran.
Siyam na “checkpoint” sa stratehikong lokasyon ang ipinalatag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pangunguna ni Atty. Juvic Degala, Hepe ng BENRO at mga otoridad.
Ayon kay Atty. Degala, ang mga checkpoint na ito ang magbabantay sa pagbiyahe ng quarry materials upang maseguro na ang mga ito ay mula sa mga lugar na may permiso.
Bilang karagdagan, bumuo rin ang kanilang tanggapan ng “roving team” na magbabantay sa mga checkpoint bukod pa sa regular na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon na oras.
Nilinaw naman ni Gob. Fernando na mataas ang pangangailangan sa quarrying at nagbibigay ito ng hanapbuhay sa mga Bulakenyo ngunit kailangan itong kontrolin at mahigpit na bantayan.
“Ang regulated at permitted quarrying ay namomonitor kung kaya hindi tahasang nasisira ang kapaligiran dahil dito. Ang illegal quarrying po ang kalaban at ‘yun ang patuloy nating binabantayan at nilalabanan,” anang gobernador.
Simula ng kanyang unang termino bilang gobernador noong 2019, nakapag-monitor at nakapag-patrolya na ang BENRO ng may 468 ulat laban sa illegal logging; nakapagbantay at nakapag-imbestiga sa 181 quarries at mining concerns; nakapagsuri sa 35,494 sasakyan kaugnay sa kanilang accreditation stickers; at nakapagkolekta ng 128,551 piraso ng delivery receipts at transport slips.
Ibinahagi rin ni Attt. Degala na sa kabila ng mga lockdown at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pareho ang koleksyon ng mga multa, at ang mga multang ito ay diretsong napupunta sa Kapitolyo dahil nagbibigay ang kanilang tanggapan ng opisyal na resibo mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Ingat-Yaman.