LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sinelyuhan ng Sangguniang Panlalawigan at Tanggapan ng Gobernador ang pagtutulungan ng dalawang tanggapan sa isinagawang Pasinayang Pagpupulong ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan nitong Huwebes, Hulyo 14 sa Bulwagang Senador Benigno Aquino Sr., Bahay Pamahalaan ng Lalawigan ng Bulacan sa lunsod na ito
Magkatuwang na sinelyuhan nina
Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernafor Alex C. Castro ang pagtutulungan at nangako na susuportahan ang programa ng isa’t isa bilang pinuno ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng lokal na pamahalaan.
Nanawagan si Gobernador Fernando sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na isantabi ang pulitika at sariling interes, at yakapin ang kanilang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan ang kanilang mga kababayan.
“We can work independently in nature and in function yet together in principles and vision. Isa lamang ang ating layunin, ang makita na ang Bulacan ay isang maunlad, matiwasay, at masayang lalawigan kung saan may katarungan para sa lahat,” ani Gob. Fernando.
Gayundin, nangako si Bise Gobernador Castro na susuportahan ang mga programa ng gobernador at hinikayat ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na ganoon din ang kaparehong gawin.
“Ang aking hamon para sa ating lahat, lalong higit sa ating mga kasamang Kasangguni, itaguyod po natin ang mga programa ng ating Punong Lalawigan. Ibigay po natin ang isang daang porsiyentong suporta sa kanya at sa kanyang pamumuno. Bigyan po natin siya ng hindi nahahating pakikiisa sa kanyang mga layunin. Kaya naman po ang atin ring pasasalamat kay Governor Daniel sa pagpapahayag ng suporta sa ating mga mithiin,” anang Bise Gob. Castro at pinunong tagapangulo ng SP.
Binuksan ng bise gobernador ang Ika-11 Sanggunian sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Panloob na Alituntunin ng Pamamaraan, paghirang kina Majority Floor Leader Erlene Luz V. Dela Cruz, Assistant Majority Floor Leader Cezar L. Mendoza, at Minority Floor Leader Allan P. Andan; at pagtatalaga sa Chairmanship ng Standing Committees.
Ang Ika-11 Sangguniang Panlalawigan ay binubuo nina Bise Gob. Castro; mga Bokal Allan P. Andan at Romina D. Fermin mula sa Unang Distrito, Lee Edward V. Nicolas at Erlene Luz V. Dela Cruz mula sa Ikalawang Distrito, Raul A. Mariano at Romeo V. Castro, Jr. mula sa Ikatlong Distrito, Allen Dale DC. Baluyut at Enrique A. Delos Santos, Jr. mula sa Ikaapat na Distrito, Richard A. Roque at Cezar L. Mendoza mula sa Ikalimang Distrito, at Arthur A. Legaspi at Renato DL. De Guzman, Jr. mula sa Ikaanim na Distrito; at mga ex-officio members na sina Indigenous People’s Mandatory Representative Liberato P. Sembrano, Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Bulacan Ramilito B. Capistrano, Pangulo ng Philippine Councilor’s League Bulacan Chapter William R. Villarica, at Provincial Federation President ng Sangguniang Kabataan Robert John Myron A. Nicolas.
Samantala, iniulat rin ni Gob. Fernando ang kalagayan ng lalawigan at mga napagtagumpayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa kanyang unang termino sa harap ng Sangguniang Panlalawigan, pinuno ng mga tanggapan, at iba pang panauhin.