Kinilala ang LGBTQ federations sa Singkaban Festival

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagningning ang mga kulay ng pride sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kagabi nang magtipon ang mga miyembro ng LGBT Bulacan Federation Inc. sa Bulacan Gay Pride 2025 na isa sa mga tampok na programa ng Singkaban Festival na ipinagdiriwang ang pagiging inklusibo, pagkakaisa at pagkilala para sa LGBTQ+ community.

Ibinida sa gabi ng pagdiriwang ang kumikinang na ikalawang La Baklakenya pageant kung saan 15 mga kandidato ang nagpamangha sa kanilang mga costume, casual wear, swimwear at formal attire kung saan si Gtrelle S. Raymundo, kilala bilang Ella Marie mula sa Lunsod ng Meycauayan ang kinoronahan bilang La Baklakenya de Singkaban 2025, habang ang ibang titulo naman ay kina Arab Flores Ramirez a.k.a. Megan Young ng Hagonoy (La Baklakenya Sining at Kultura 2025), Ayah Franchezka Akikoh a.k.a. Ayah ng Bustos (La Baklakenya Kasaysayan 2025), Marlon Aquino a.k.a. Iwa Discaya ng Lunsod ng Malolos (2nd runner-up), at Russel Esteban Wico a.k.a. Kim Chuwawa ng Calumpit (1st runner-up).

Ipinagkaloob din ang mga espesyal na parangal sa nasabing patimpalak, kabilang ang ‘Natatanging Kasuotang LaBaklakenya’ at ‘Natatanging LaBaklakenya Kasuotang Panlangoy’ kay Russel Esteban Wico, ‘Natatanging Kasuotang Kaswal’ kay Marlon Aquino, ‘Natatanging Talentong LaBaklakenya’ kay Ayah Franchezka Akikoh, at ‘Natatanging Pormal na Kasuotan’ kay Arab Flores Ramirez.

Pinagsama-sama rin ng nasabing programa ang 12 LGBT groups mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na kinilala para sa kanilang kontribusyon sa pagpapatatag ng masigla, aktibo, at produktibong mga samahan kung saan ipinagkaloob ang espesyal na parangal sa Norzagaray bilang Best Effort Club, San Miguel bilang Most Compliant Club, Bustos bilang Most Cooperative Club, at Marilao bilang Most Active Club.

Sa kanyang mensahe, inihayag ni LGBT Bulacan Federation President Peter John T. Dionisio na sa darating na Setyembre 11, 2025 gaganapin ang unang pagdinig para sa akreditasyon ng kanilang pederasyon sa Sangguniang Panlalawigan, isang mahalagang hakbang tungo sa higit pang pagpapalakas ng mga LGBT organization sa Bulacan. Dagdag pa niya, susunod na rin ang mga municipal LGBT clubs na hindi pa accredited matapos makuha ng pederasyon ang opisyal na pagkilala.

Pinasalamatan din ni Nanunungkulang Puno ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office May Arlene Torres ang LGBT community, bilang sila ay bahagi ng bawat programa ng Singkaban kaya naman tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na ang Bulacan Gay Pride ay maging pagkakataon nila upang magningning at gamitin ito bilang oportunidad na higit pang makapag-ambag sa pag-unlad ng Lalawigan ng Bulacan.

Samantala, muling inihayag ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang komunidad.

“Ang sino man na manghahamak sa inyo, ang mamaliitin ang LGBTQ, huwag po kayo mangamba dahil nandito kami ni Governor Daniel R. Fernando. Ang pangarap ko sa LGBT ay mayroon kayong pagkakakilanlan at kinikilala ng pamahalaan… ‘yung kahit mawala na kaming mga politiko dito, nandiyan pa din ang LGBT Bulacan, ang mabigyan kayo ng programa ng pamahalaan,” ani Castro.

Dinaluhan din ang pagtitipon nina Hagonoy Vice Mayor Jane Dela Cruz, kinatawan ng gobernador na si Rowena Frias, at mga konsehal na bahagi ng LGBTQ+ community kabilang sina Lungsod ng Malolos Konsehal Miel Agustin at Geli Bulaong, at Konsehal ng Calumpit Vincent Maeng Lopena. — PPAO

###