LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sa 18 pumasang pamahalaang panlalawigan,
muling natamo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang parangal na Seal of
Good Local Governance, dahilan upang maging isa ito sa mga natatanging
lalawigan sa bansa sa ikaanim na pagkakataon.
Sa anunsiyong inilabas ng Department of the Interior and Local Government, may
kabuuang 350 na pamahalaang lokal ang pumasa sa assessment criteria para sa
SGLG award kabilang na ang 272 na munisipalidad, 60 na lunsod at ang 18 na
lalawigan kung saan kabilang ang Bulacan.
Sinabi naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na naging posible ang
pagkakakamit ng SGLG award dahil sa pinagsamang pagsisikap ng mga tanggapan
at ahensiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na patuloy na nagbibigay ng
katangi-tanging serbisyo sa mga Bulakenyo.
“Sa loob ng anim na magkakasunod na taon, ang Pamahalaang Panlalawigan ng
Bulacan ay naging SGLG awardee. Ito ay dahil sa sama-samang pagsisikap ng ating
mga tanggapan na naglalayong makapaghatid ng mahusay na serbisyo sa ating
mga kapwa Bulakenyo at lumikha ng mga programang tutulong sa lalawigan
upang patuloy na makamit ang progreso at pag-unlad,” ani Fernando.
Kabilang sa iba pang nanalo sa lalawigan ang Lunsod ng San Jose del Monte na
kabilang sa City Government Awardees at mga bayan ng Balagtas, Baliwag,
Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Santa Maria na kabilang sa Municipal Government
Awardees.
Pinili ang mga pinarangalan ayon sa DILG Memorandum Circular No. 2022-026
kung saan kabilang sa assessment criteria ang financial administration and
sustainability; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health
compliance and responsiveness; at sustainable education habang kabilang rin sa
iba pang assessment areas ang business-friendliness at competitiveness; safety at
peace and order; environmental management; tourism, heritage development,
culture and arts at youth development.

Ang SGLG awards ay programang nakabatay sa insentibo, karangalan at pagkilala
na naglalayong palakasin ang pagnanais ng mga lokal na pamahalaan sa tuluy-
tuloy na progreso at mapanatili angkanilang pagganap sa iba’t ibang larangan ng
pamamahala. – Ni Harold T. Raymundo