LUNSOD NG PASAY – Muling na namang kinilala ang tuluy-tuloy at katangi-tanging
kahusayan ng Lalawigan ng Bulacan sa pagkolekta ng lokal na kita sa ilalim ng
administrasyon ni Gobernador Daniel R. Fernando sa paggawad ng Department of
Finance – Bureau of Local Government Finance sa lalawigan ng parangal na Hall of
Fame para sa Local Revenue Generation sa ginanap na Awarding Ceremony nitong
Miyerkules, Oktubre 26 sa Philippine International Convention Center sa lunsod
na ito.
Nakamit ang nasabing parangal ng lalawigan makaraang makuha ang pang-apat
na puwesto noong taong 2018, ikalima noong 2019, at unang puwesto noong
2020 kaugnay ng Highest Locally Sourced Revenues.
Sa taong 2021, nakamit ng Bulacan ang ikalawang puwesto sa lahat ng lalawigan
sa bansa kaugnay ng Highest Locally Sourced Revenues, at ikasiyam sa Collection
Efficiency of Locally Sourced Revenues, na tinanggap ni Gobernador Fernando
kasama sina Bise Gobernador Alex Castro at Panlalawigang Ingat-Yaman Atty.
Maria Teresa L. Camacho sa kaparehong awarding ceremony.
Nagpasalamat si Gob. Fernando sa BLGF sa pagkilala at sa mga Bulakenyo sa
paggawa ng kanilang bahagi at sinabi na ang kanilang mga buwis ay gagamitin
upang pondohan ang mga programa at proyektong pangkaunlaran upang
mapaganda ang kalidad ng buhay ng mga kalalawigan.
“Tayo po ay nagagalak sa sunud-sunod na parangal na ating nakakamit para sa
Lalawigan ng Bulacan. Nakatutuwa pong isipin na hindi nawawalan ng saysay ang
ating mga pagsisikap. Umasa po tayo na ang bawat parangal na ating tatanggapin
ay gagamitin natin upang lalong pagbutihin ang pagbibigay-serbisyo sa ating mga
minamahal na Bulakenyo,” anang gobernador.
Sinabi naman ni BLGF Deputy Executive Director Flosie F. Fanlo-Tayag na
pinagtitibay ng mga lokal na ingat-yaman at lokal na pamahalaan ang kanilang
pangako na katangi-tanging serbisyo-publiko, transparency, at katapatan sa
pamamagitan ng pagsisimula ng propesyonalisasyon sa lokal na pananalapi at
mahuhusay na kasanayan sa lokal na revenue generation.
“Believe. Believe in what you have learned. Believe that you can empower.
Believe in yourself that you can surpass it all. Let’s all maintain the passion, zeal
and humility towards achieving great things for local finance and the Filipino
people,” ani Tayag.