LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nakiisa ang Lalawigan ng Bulacan sa sabayang pagdiriwang ng Ika-124 na taong Araw ng Kalayaan ng Pilipinas nitong Linggo, Hunyo 12 sa labas ng Simbahan ng Barasoain sa lunsod na ito.
Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang paggunita sa Araw ng Kasarinlan bilang panauhing pandangal kasama sina Obispo Dennis C. Villarojo ng Diocese of Malolos, Governor-elect Alex Castro, Malolos City Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian, Rosario V. Sapitan kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines at PBGen. Matthew P. Baccay, Regional Director ng Central Luzon Police Office
“Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas ang naging tema ng pagdiriwang ngayong taon.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas na pinangasiwaan ng mga kapulisan sa Bulacan at sinundan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Heneral Emilio Aguinaldo, una at pinakabatang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Bilang karagdagang pagpupugay sa heneral nagkaroon din ng 21-gun salute na isinagawa rin ng kapulisan.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Gobernador Fernando ang koneksyon ng nakalipas na halalan sa ating kalayaan, mula sa mga nanalong mamumuno ng ating bayan hanggang sa mga hindi pinalad mahalal muli at mga Bulakenyong nanindigan sa dikta ng kabutihan.
“Sa nga nahalal na mamumuno sa bayan, nawa’y suklian natin ang pagtitiwala ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagiging tunay na magbubunsod ng kaunlaran at tagapagtaguyod ng kapakanan ng ating kapwa, tulad ng ating mga bayani. Mahalin natin ang ating bayan ng higit pa sa ating sarili,” ani Gob. Fernando.
“Sa mga hindi pinalad muli sa nakaraang halalan, naging bahagi kayo ng pagseserbisyo sa ating lalawigan ng Bulacan.” dagdag pa ng gobernador
“At sa mga Bulakenyong may paninindigan sa tama, nananatili kang tapat sa demokrasya, itaguyod mo ang lahing Bulakenyo. Ang inyong lingkod ay nagpupugay sa iyong kabayanihan. Salubungin natin ang bagong kabanata sa kasaysayan ng ating lalawigan at bansa,” pagtatapos ni Fernando.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang ilang pinuno ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Provincial Administrator Tonette Constantino, PCol. Charlie Cabradilla, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, mga hepe ng pulis sa bawa’t bayan at siyudad ng lalawigan, ilang konsehal at punong barangay ng Lunsod ng Malolos, mga division superintendent ng Department of Education, ilang opisyal ng Bureau of Fire Protection at mga non government organization tulad ng Free and Accepted Masonry of the Philippines, Knights of Rizal at mga Bulakenyong beterano. – Ni Harold T. Raymundo