LUNSOD NG PASAY – Isa na namang patunay ng mabuti at tumutugong pamamahala ang
iginawad sa Lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng administrasyon ni Gobernador Daniel R. Fernando
sa paghirang sa lalawigan bilang ika-10 Most Competitive Province sa bansa sa ginanap na 10th
Cities and Municipalities Competitiveness Summit sa Philippine International Convention
Center sa Lungsod ng Pasay kamakailan.
Pinangunahan ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo E. Pascual ang
pagpaparangal sa mga lokal na pamahalaan na nangibabaw sa pamamagitan ng pamumuno ng
kanilang mahuhusay at dedikadong mga mayor at sinabi na malaking ambag ang nagawa ng
mga LGU at kanilang mga pinuno sa kabuuang competitiveness ng bansa.
“We know that the Philippine possesses the right institution and innovation capabilities that
allow micro and macro-economic activities to function effectively. However, our country still
has a vast potential for improvement, and we have to work together to achieve a higher
ranking for our country compared to our neighbors in the region,” paghihikayat ng kalihim.
Malaki ang pasasalamat sa dobleng tagumpay ng lalawigan, na ginawaran rin ng Most Business-
Friendly Province sa kaparehong araw, sinabi ni Fernando na pagsisikapan ng lalawigan ang
tuluy-tuloy na pag-unlad at pinabuting kahusayan, pagiging epektibo, at competitive advantage
ng Bulacan.
“Back-to-back po ang nasungkit nating mga prestihiyosong parangal para sa ating lalawigan. Isa
na naman pong patunay na sa masipag at matapat na paglilingkod, walang imposible at lahat ay
makakamit para sa lalong ikadadakila ng Lalawigan ng Bulacan,” anang gobernador.
Maliban sa lalawigan, lumagay ang Bayan ng Baliwag sa ikalawang pwesto para sa Overall Most
Competitive Municipality sa lahat ng 1st hanggang 2nd class municipalities, na pumwesto sa
ikaapat para sa parehong resiliency at government efficiency pillars, ikaanim para sa
imprastraktura, ikapito para sa inobasyon, at ikawalo para sa economic dynamism; habang nasa
ikalimang pwesto ang Bayan ng Santa Maria para sa economic dynamism at ikasiyam sa
imprastraktura.
Sinusukat ang pagraranggo sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagganap sa Economic
Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.