LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nabigyan ng ayuda ng Department of Agriculture o DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, ang ilan sa Bulakenyong nabibilang sa sektor na pang-agrikultura nitong Martes, Hulyo 12 sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Sta. Isabel sa lunsod na ito
May kabuoang 300 Bulakenyong mangingisda at 85 Farmers Cooperatives and Associations o FCAs ang naging benepisyaryo ng programang “Distribution of Agricultural and Fisheries Interventions to Farmers and Fisherfolks”
ng dalawang nasabing tanggapan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Provincial Agriculture Office o PAO, umabot sa P35,963,322.48 milyong halaga ng mga kagamitang pangsaka at pangingisda ang ipinagkaloob sa mga Bulakenyong benepisyaryo na nagmula sa mga bayan at siyudad sa buong lalawigan.
Pinangunahan nina DA Regional Technical Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex C. Castro ang pamamahagi ng ayuda kabilang na ang tulong para sa Agricultural and Biosystems Engineering na 14 shallow tube well; apat na warehouse with mobile mechanical dryer; tatlong four-wheel drive tractor; tatlong rice combine harvester at tatlong Solar Powered Fertigation System (SPFS-8) para sa may 27 FCA.
Para naman sa programa ng High Value Commercial Crops, nakapagkaloob ng 100 knapsack sprayer para sa 50 FCA at 180 kgs na assorted vegetable seed para sa apat na FCA.
Gayundin, nagpamahagi para sa Fisheries Program ng 170 roll ng gillnet with accessory sa 170 na mangingisda; 120 roll ng multifilament PE net (black net) sa 120 mangingisda; limang marine engine para sa limang mangingisda; limang fish vending equipment (tri-bike) para sa limang mangingisda; tatlong smokehouse package para sa tatlong FCA; at isang smokehouse para sa isang FCA.
“Kaisa po ang inyong lingkod sa adhikaing mapalakas ang sektor ng agrikultura sa ating lalawigan at patunay po nito ang tuluy-tuloy na pamamahagi natin ng makabagong farming technology at agricultural machineries upang mapanatili natin ang sapat na supply ng pagkain sa ating lalawigan at bansa. Tungo rito, nais ko ring pasalamatan ang PAO, DA RFO 3, at DA-BFAR Region 3 para sa makabuluhang programa. Malaki po ang papel ng mga magsasaka at mangingisda sa paglalatag ng pundasyon ng matatag na ekonomiya. Sila po ay maituturing na mga bayaning sumisiguro na mayroong sapat na pagkain sa ating pamayanan,” ani Gob. Fernando.
Ibinida ng gobernador ang ilan pang programa para sa mga magsasaka at mangingisda kabilang ang malapit ng matapos na Bulacan Farmers Training Center, pagkakaloob ng mga organikong pataba at pagpaparami ng mga alagang hayop.
Samantala, tumanggap din ng sertipiko ng pagkilala ang Lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Fernando mula sa DA Regional Field Office 3 dahil sa mahusay na pagpapatupad ng mga programa at proyekto ukol sa high value crops production. – Ni Harold T. Raymundo at Jenny T. Raymundo