BAYAN NG BUSTOS, Bulacan – Binuksan na sa motorista ang bagong Bustos Flyover nitong Martes, Hulyo 12 na naitayo sa Barangay Bonga Menor ng bayang ito.
Bago nito, pinasinayaan at binasbasan muna ang nasabing flyover, na kauna-unahan sa Bayan ng Bustos at ika-apat sa buong Lalawigan ng Bulacan
Nanguna sa pasinaya si Congresswonan Ditse Tina Pancho ng Ikalawang Distrito ng Bulacan kasama si Mayor Iskul Juan at District Engineer Henry C. Alcantara ng Department of Public Works and Highways 1st District Engineering Office.
May kabuoang halagang 200 milyong piso ang nasabing proyekto na may habang 210 metro at dalawang lane.
Paluluwagin nito ang daloy ng trapiko na tumatawid sa crossing ng Plaridel Bypass Road at General Santos Highway na paloob at palabas ng kabayanan ng Bustos.
Sa mensahe ni Congw. Pancho bago buksan ang flyover, sinabi niya ang kahandaang kanilang ginagawa sa magandang kaganapang tinatamasa ng kanilang nasasakupan.
“Ang Bayan ng Bustos ay hindi po naghihintay lamang, hindi po nakatanaw lang sa malaking pagbabago na hatid po ng bypass (road) kundi meron pong preparasyon, meron pong paghahanda sa pag-unlad at pagpasok ng kalakalan dito sa ating bayan,” ani Pancho
“Sa ipinakikita po natin na mga pagbabago at mga bagong imprastraktura ay nagpapakita lamang na mayroon tayong hinaharap na maunlad na kinabukasan, mayroong employment at siyempre mayroong income sa Bayan ng Bustos,” dagdag pa ng mambabatas.
Dumalo rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ilang kawani ng pamahalaang bayan at DPWH 1st DEO, at kapulisan ng Bustos Municipal Police Station