Nagpahayag si Senador Alan Peter Cayetano ng matinding pagkabahala tungkol sa ‘reliability’ ng mga Philippine identification and documents sa gitna ng mga ulat ng malawakang pamemeke sa mga ito.
Sa ginanap na pagsisiyasat ng Blue Ribbon Committee nitong August 5, 2024 sa hindi awtorisadong paglaganap at paggamit ng mga dokumento ng gobyerno ng mga dayuhan, binigyang-diin ni Cayetano ang pangangailangan para sa isang special unit upang matugunan ang lumalaking problema ng mga scam sa bansa.
“Who is getting better, tayo na gumagawa ng original identifications, or y’ung mga namemeke?” wika niya.
Ang imbestigasyon ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Statistics Authority (PSA), at iba pang mga pangunahing ahensya.
Sinabi ni Cayetano na may dalawang pangunahing motibasyon ang “worldwide trend” ng pagtaas ng scamming: para sa pansariling pakinabang o panloloko sa iba.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-usig sa mga sangkot sa pamemeke, at tinukoy ang kaso noong 2016 kung saan nakakuha ng pekeng Philippine passport ang 177 Indonesian.
“Ang tanong ko, nakulong ba ang mga namemeke noon? Kasi kung hindi, eh kaya marami pa rin ang namemeke ng mga documents ngayon,” wika niya.
Nagbabala si Cayetano na ang mga insidenteng ito ay sumisira sa kredibilidad ng government-issued documents, at sinabing mawawala ang tiwala ng international community sa Philippine passports kung magpapatuloy ang mga naturang isyu.
Aniya, makakatulong sa epektibong paglaban sa mga scam ang paglikha ng isang special unit sa bansa na katulad ng Anti-Scam Centre ng Singapore at Anti-Deception Coordination Centre ng Hong Kong, kung saan nagsasanib-pwersa ang kapulisan, mga bangko, at mga telecommunications companies.
“This hearing was scheduled to find solutions… Ginagawa na sa Singapore at Hong Kong, pero bakit tayo hindi pa ginagawa?” wika niya.
“We have to get ahead of the scammers. We have to think the way they think and stay one step ahead of them,” dagdag niya.
Upang magkaroon ng komprehensibong pag-unawa sa mga kaso ng scam sa bansa, inihayag ni Cayetano ang kanyang intensyon na maghain ng resolusyon na nag-uugnay sa mga insidenteng ito sa iba pang fraudulent activities, tulad ng SIM card registration scams.
Nanawagan siya sa PNP, NBI, PSA, at DFA na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa pag-usig sa mga lumalabag at nagpahayag ng suporta para sa kanilang mga tungkulin ng wakasan ang mga isyung ito.
“I want to help you to find solutions. We have to equip you, but you need to tell us kung ano ang kailangan,” wika niya.
“Kailangan may makasuhan at ma-convict,” dagdag niya. – PR