Ipinapakita nina Congressman Salvador “Ka Ador” A. Pleyto ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan (gitna), Bokal Jay De Guzman at Bokal Art Legaspi ang kani-kanilang Certificate of Candidacy o COC na kanilang inihain nitong Biyernes, Oktubre 4 sa Pansamantalang Tanggapan ng COMELEC Bulacan sa Hiyas Convention Center, Lunsod ng Malolos. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) Angat Mayor Jowar Bautista, Santa Maria Mayor Omeng Ramos, Norzagaray Mayor Merlyn Germar, Vice Mayor Baldo Gener, Vice Mayor Eboy Juan, at Vice Mayor Arvin Agustin na personal na sinuportahan ang paghahain nang kandidatura ng 3 nabanggit na kandidato at kasamang nakasenyas ng numero uno, tanda ng nabuong ONE 6TH DISTRICT sa lalawigan ng Bulacan. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

ONE 6TH DISTRICT ang Santa Maria, Angat at Norzagaray

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagnanais ng ika-2 termino si Congressman Salvador “Ka Ador” A. Pleyto, matapos maghain ng kanyang kandidatura bilang Kinatawang muli ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan nitong Biyernes, Oktubre 4 sa  Pansamantalang Tanggapan ng COMELEC Bulacan sa Hiyas Convention Center sa lunsod na ito.

Sa ilalim ng partido Lakas-CMD kung saan tumatayong Provincial Chairman si Congressman Pleyto, kasama niyang nag file ng kani-kanilang Certificate of Candidacy o COC sina kasalukuyang Provincial Board Members Jay De Guzman at Art Legaspi, na tumatakbong muli sa parehong posisyon.

Buong suporta naman ang ibinigay nina Santa Maria Mayor Omeng Ramos, Vice Mayor Eboy Juan, Norzagaray Mayor Merlyn Germar, Vice Mayor Baldo Gener, Angat Mayor Jowar Bautista at Vice Mayor Arvin Agustin, na personal na sinamahan ang kanilang kasalukuyang Kinatawan sa Kongreso sa paghahain ng kanyang kandidatura.

Nakangiting nakuhanan ng larawan si Congressman Salvador “Ka Ador ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan matapos lumagda sa isang Panata Para sa Malinis, Marangal at May Dignidad na Kampanya sa Halalang 2025 na inihanda ng Bulacan Office of Provincial Election Supervisor (OPES). – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

Nailatag nang maayos ni Pleyto na maging ONE 6TH DISTRICT ang kanyang nasasakupan, sa tulong na rin ng mga nabanggit na Local Chief Executive sa mga bayan ng Santa Maria, Angat, at Norzagaray kasama ang kani-kanilang mga Vice Mayor.

Samantala, Ipinrisenta ni Cong. Pleyto sa kanyang mga kadistrito at iniendorso  ang bumubuo ng ONE 6TH DISTRICT na kinabibilangan ng tagasuportang pulitiko at mga susuportahan niyang mga kandidato mula sa ONE SANTA MARIA, ONE NORZAGARAY, at ISANG ANGAT, na isinagawa sa Tanggapang Pandistrito ng mambabatas sa Dulong Bayan sa bayan ng Santa Maria.

Sa kanyang mensahe bago ang nasabing presentasyon, buong pagpapakumbabang iniulat ni Cong. Pleyto na natupad niya ang mga pangako para sa kanyang mga kadistrito at karamihan ay nagsasabing nahigitan pa niya ito, dahil sa mga naibabang programa at proyekto para sa kapakinabangan ng kanyang mga kababayan.

Ibinida naman ni Mayor Ramos na sa katagalan niya sa pulitika ay ngayong lang nangyari ang pagkakaisa nila at ito ay dahil na rin sa pagsusumikap ni Cong. Pleyto na ayusin at gabayan ang 3 bayan sa ika-6 na Distrito.

Inihayag din ni Mayor Germar kung bakit sila sumama kay Congressman Pleyto.

“Napakahirap magsalita dito sa harapan dahil dati kami ang kalaban ni Cong. Pleyto. Totoo po, noong una napakasakit di ba, masakit matalo, aminin nating lahat iyon, pero tanggap na ng Pamilya Germar at ngayon nga po ay magkasama na kami. Hindi ako nag-atubuli na sumama kay Cong Pleyo dahil nakita ko yung mga ginagawa niya sa ika-6 na distrito,” anang alkalde.

“Ang akin nga pong tagline, May Katuwang Ka,  eto napo dininig na ni Lord. May katuwang ako sa katauhan ni Congressman Ador Pleyto,” dagdag pa ni Germar.

Ibinida rin ni Mayor Bautista ang magandang katangian ng mambabatas na ipinapakita sa kanilang distrito.

“Sa unang pagkakataon, ipinakita ng ating butihing Congressman ang pagiging isang lider, ang  pagiging isang pinuno, hindi lang sa pagbababa ng mga proyekto’t programa sa kanyang nasasakupan kundi sa pag-aalaga sa kanyang mga tao at lider sa ika-6 na distrito,” anang ama ng bayan ng Angat. Bago nito, dumalo muna sa isang Banal na Misa na isinagawa sa Basilica Menor de la Purisima Concepcion o Simbahan ng Santa Maria sina Cong. Pleyto, Bokal De Guzman, at Bokal Art Legaspi, kasama ang kanilang mga lider at  tagasuporta. Na sinundan ng parada sa harapan ng Hiyas ng Bulacan Convention Center bago maghain ng kani-kanilang kanidatura.