LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagsimulang makipag-ugnayan si dating Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Benhur Abalos, ngayo’y tumatakbong senador, sa mga Bulakenyo nitong Martes Nobyembre 12.
Naunang pinuntahan ni dating Kalihim Abalos ang bayan ng Calumpit, kung saan mainit siyang tinanggap ng mga Calumpitenyo sa pangunguna ni Mayor Lem Faustino, Vice Mayor Doc. Zar Candelaria, Bokal Mina Fermin ng Unang Distrito ng Bulacan, mga konsehal ng Sangguniang Bayan, mga punong barangay, at iba’t-ibang sektor.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Abalos ang kahalagahan ng edukasyon at inihayag ang ibinilin sa kanya ng ama nang pagiging mapagpakumbaba kahit anupaman ang marating na posisyon.
Ipinakita din ni Abalos ang ginawa niyang pagababago sa kanilang public cemetery na noo’y nasa hindi magandang estado at ngayo’y maipagmamalaki na ng bawat mamamayan ng Mandaluyong.
Pinasalamatan naman ni Mayor Faustino si Abalos sa pagdalaw sa kanilang bayan at kaagad na inendorso sa kanyang mga kababayan na suportahan sa darating na halalan.
Sinundan ng courtesy call ni Abalos kay Gobernador Daniel R. Fernando kung saan tiniyak ng huli ang pag-iendorso sa mga kababayang Bulakenyo sa kandidatura sa pagkasenador ng dating kalihim.
“Mag-focus ka na lang sa ibang lalawigan at bahala na kong hingin ang suporta ng mga Bulakenyo para sa iyo,” anang gobernador.
Nangako naman si Abalos na pagtutuunan nang pansin ang problema sa pagbaha sa Bulacan para makapanghikayat pa nang maraming investors sa lalawigan kung sakaling palaring manalo sa darating na eleksyon.
Panghuli’y mainit na pagtanggap ang ibinigay ng mga Malolenyo kay Abalos nang salubungin siya sa bahay pamahalaan ng Lunsod ng Malolos at ang pagtatagpo muli nila ni Mayor Christian D. Natividad na dating niyang nakatrabaho sa Metro Manila Film Fest o MMFF, kung saan MMDA Chairman si Abalos noon at Optical Media Board Chairman naman si Natividad.
Pabirong kinantyawan ni Mayor Natividad si Abalos sa epekto ng karisma ng dating kalihim kung saan lahat ng kawani nang pamahalaang lunsod ay nagpalakpakan na may kasamang malakas na hiyawan na sanay si Natividad na sa kanya lang iniuukol.
Iniisa-isa din ng alkalde ang mga accompishments ni Abalos sa lahat ng mga nahawakang posisyon sa gobyerno at pruwebang sobrang linaw para mailuklok aniya ang dating kalihim sa Mataas na Kapulungan.