Personal na nakiramay si DOH Secretary Ted Herbosa sa naulilang pamilya ni Gng. Cristina Padora, isang Barangay Health Worker (BHW) mula sa lunsod ng Meycauayan, Bulacan nitong Biyernes, Hulyo 25 sa Meycauayan Funeral Homes sa lunsod na ito. 

Aksidenteng nakuryente sa tent, malapit sa kanilang Barangay Health Station ang naturang BHW habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa kasagsagan ng Bagyong Crising at Habagat.

Sinaluduhan ng buong Department of Health ang dedikasyon ni Gng. Padora sa labindalawang taon na pagseserbisyo niya sa kanyang barangay. 

Nangako naman si Sec. Herbosa na susuportahan si Kyla, ang anak ng biktima, para makapagtrabaho sa DOH matapos na mag-graduate ito sa kolehiyo kamakailan.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang Kalihim na kamustahin ang iba pang BHWs na nakiramay at nagbilin sa DOH Central Luzon Center for Health Development na sikaping mapaabot ang mga simpleng hiling ng mga BHW gaya ng bota at iba pang pangangailangan sa kanilang pagseserbisyo. 

Inihayag din ni Herbosa ang kaniyang pagsuporta sa Magna Carta for BHWs na nagsusulong ng regular na allowance, benepisyo at proteksyon para sa mahigit 250,000 barangay health workers sa buong bansa. ###