LUNSOD NG MANDALUYONG — Kasabay ng United Nations na Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan, ipinalabas ang isang dokumentaryong pangkapayapaan na pinamagatang “Great Legacy: A Peace Documentary” nitong Miyerkules, Setyembre 21 sa Cinema 1, Shangri-La Plaza sa lunsod na ito.
Nanood nang personal sa nasabing palabas na dokumentaryo ang may 350 katao, kabilang ang mga kawani ng pamahalaan, kinatawan ng sektor ng edukasyon, media, mga pinuno ng iba’t ibang organisasyon at relihiyon, at mga peace advocate mula sa iba’t ibang panig ng Kalakhang Maynila at kalapit na lalawigan.
Nauna nang ipalabas ang Great Legacy sa Lunsod ng Davao noong Setyembre 6, na ginawa ng SMV Media Group, isang broadcast company na naka-base sa Seoul, South Korea, sa pakikipagtulungan ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light o HWPL.
Ang HWPL ay isang internasyonal na non-profit organization na nagtataguyod ng pandaigdigang kapayapaan at pagtigil ng digmaan.
Ipinapakita ng Great Legacy ang matagumpay na mga gawaing pangkapayapaan sa Mindanao, na nakatulong sa prosesong pangkapayapaan sa rehiyon.
Nagsimula ang adbokasiya ng HWPL sa Pilipinas nang dumating sa bansa si HWPL Chairman Lee Man-Hee, isang beterano ng digmaan sa Korea.
Namagitan si Chairman Lee sa isang “civilian peace agreement” na nilagdaan nina Archbishop Emeritus Fernando Capalla at dating gobernador Esmael “Toto” Mangudadatu ng Maguindanao noong Enero, 2014 sa Lunsod ng General Santos.
Kaharap sa ginawang kasunduan ang 300 na katao mula sa iba’t-ibang antas ng pamumuhay at sektor ng lipunan, at sa kasunduan ding nilagdaan ang pangakong pagtutulungan ng bawat panig para sa pagtigil ng digmaan at pagtatatag ng kapayapaan sa Mindanao.
Simula noon ay pinagpatuloy ng HWPL ang pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa kapayapaan hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas.
Kabilang sa mga inisyatibo ng HWPL ay ang pagsasabatas ng kapayapaan, mga dayalogo sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon, pagtuturo ng peace education at pagsuporta sa mga kabataan at kababaihan.
Kinilala rin ang nasabing kasunduan sa labas ng bansa bilang isang mahusay na ehemplo ng pagsasaayos ng kaguluhan.
Nagpahayag naman nang paghanga sa ipinalabas na dokumentaryo ang dating chairperson ng UN Human Rights Commission na si Martin Lee Hojian kay Chairman Lee, gayundin sa mga Pilipino na masidhing naghahangad ng kapayapaan.
Pagkatapos ng palabas, sabay-sabay na humiyaw ang mga manonood ng, “Peace is here in the Philippines!” ang dokumentaryong ito ay ipapalabas din sa mga sinehan sa ibang bansa.