Department of Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Muli na namang mapupuno ng sigla, kulay, at saya ang bakuran ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbalik ng normal na face-to-face na pagdiriwang ng Singkaban Festival 2022 bukas, Setyembre 8, 2022, alas-8:00 ng umaga sa harap ng gusali ng Kapitolyo sa lunsod na ito matapos ang dalawang taon na pagdaraos nito online.

Inaasahang pangungunahan ni Department of Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco ang libu-libong Bulakenyo sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando sa pagbubukas ng engrandeng pagdiriwang ng mayamang sining at kasaysayan ng lalawigan.

Inanyayahan ni Fernando ang lahat ng Bulakenyo maging ang mga lokal at dayuhang turista na pumunta at saksihan ang isang linggong pagdiriwang ng “Mother of All Fiestas” sa Bulacan, ang Singkaban Festival 2022 na may temang, “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay”.

“Isang linggong pagdiriwang na sesentro sa mayamang sining at kultura ng 21 bayan at tatlong lungsod ng lalawigan ang ating ipapamalas sa ating Singkaban Festival ngayong taon. Ngunit bukod dito, atin ring ipagbubunyi ang matatag na kaugalian ng ating lahi na maging sa pandemya ay hindi nagpagapi,” anang gobernador.

Matapos ang grand opening, panunuorin nina Frasco, Fernando, at iba pang lokal na opisyal at bisita ang pagpasok ng mga kalahok na karosa sa “Parada ng Karosa” na magpapakita ng kanilang mga produkto, serbisyo,  tradisyon, sining, at tourist destination sa kanilang lokalidad.

Bukod pa rito, itatampok ang mga costume na naglalarawan sa mga Bulakenyong bayani, makabayan, pambansang alagad ng sining, at personalidad sa Robinsons Place Malolos mula Setyembre 8 hanggang 15, 2022 sa programa na tinaguriang “Bulacan Festival Costume Expo”.

Gayundin, magbubukas ang Ikaapat na One-Man Art Exhibition ni Andrew Alto De Guzman na may pamagat na “HomAge: 30 Years of Art” sa kaparehong araw hanggang Setyembre 30 sa Guillermo E. Tolentino Hall, Hiyas Museum sa lunsod na ito.

Haharanahin rin ng Hiyas ng Bulacan Brass Band ang mga bisita at manunuod ng kanilang musika at pagtatanghal sa “Konsierto ng Hiyas ng Bulacan” sa ganap na alas 3:00 ng hapon sa Bulacan Capitol Mini Forest.

Sa huli, itatanghal ng mga kalahok sa “Singkaban ng Bayan: Arc Making Competition” ang kanilang mga lahok sa harapan ng gusali ng kanilang municipal city government hall mula Setyembre 8-15.