Iprinisinta nina Gobernador Daniel R. Fernando at Acting Provincial Director ng Bulacan PNP PCol. Charlie Cabradilla sa mga mamamahayag si Shella Mae De Guzman, isa sa mga Bulakenya na naiulat na nawawala na ngayon ay kasama na ng kanyang pamilya, sa idinaos na press conference nitong Miyerkules, Hunyo 6 sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lunsod ng Malolos - PPAO

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nilinaw ni Gobernador Daniel R. Fernando kasama ang Bulacan Police Provincial Office o BPPO ang mga maling impormasyon at ulat na kumakalat sa social media platforms hinggil sa magkakasunod na napaulat na kaso ng mga nawawalang dalagang nasa edad 13 hanggang 25 sa Lalawigan ng Bulacan.

Sa isang press conference na pinangunahan ng Provincial Public Affairs Office sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito  nitong Miyerkules, Hunyo 6, ibinahagi ni Fernando ang mga agarang direktiba niya sa BPPO matapos kumalat sa social media ang kaso ng mga nawawalang dalaga.

“Agad-agad ay tinawagan natin at inalarma natin ang ating PNP at nagbigay tayo ng direktiba na ito ay imbestigahan kung ano ba ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga missing na naka-post sa social media. Wala pang 48 hours ay agad na nagbigay ng report about sa investigation hanggang sa nagkaroon na ng mga reaction sa social media na hindi naman dapat; hindi maganda ang mga nangyayari doon sa social media dahil nagkaroon ng takot ang mga Bulakenyo. To clarify, ang cause po ng mga missing report natin ay hindi katulad noong sa namatay, iba ang dahilan at huwag ito i-relate doon,” paliwanag ni Fernando.


Ayon kay PCol. Charlie A. Cabradilla, acting Bulacan Provincial Director, base sa kanilang imbestigasyon, karamihan sa mga naiulat na kaso ay sanhi ng “domestic issues” at hindi dahil sa mga sindikatong grupo na diumano ay kumukuha sa mga kababahihan kabilang na ang kaso ng menor de edad na nahanap sa The Fort, Taguig noong Abril 28 na may depresyon at nakumpirmang nakauwi na sa kanila; isa pang kaso ang kinabibilangan ng isang menor de edad na hindi nagpaalam sa magulang tungkol sa kanilang group outing at na-report na nawawala ngunit umuwi rin sa kanilang bahay matapos ang ilang araw; habang ang pinakabagong report naman ay isang menor de edad na may problema sa kanyang mga magulang na bumalik rin sa kanyang pamilya ngayong araw matapos makipag-ugnayan sa kanyang mga kaibigan.

“We like to inform the public na wala po tayong ni-isang incident na sinasabing mayroong sort of criminal or group na dumudukot sa mga kabataang kababaihan for any reason. Ito po ay napatunayan natin at na-verify natin na wala pong katotohanan ‘yung ganon. Iyan po ang gusto namin i-correct ni Governor,” ani Cabradilla.

Samantala, iniutos ni Fernando sa BPPO na magsagawa ng masusing imbestigasyon at pagsumikapang maresolba ang kasong kinasasangkutan ng pagkamatay ni Princess Dianne Dayor, edad 24 mula sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan na ang bangkay ay natagpuan kahapon, Hulyo 5, 2022 sa isang masukal na sapa sa pagitan ng Brgy. Tikay at Brgy. Tabang habang hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya. Ipinag-utos rin ni Fernando na magsagawa ng pagpupulong kasama ang mga kapitan/mga opisyal sa barangay upang paigtingin pa ang seguridad sa bawat barangay lalo na tuwing gabi.

“Napapansin ko na may mga barangay nang hindi nagroronda gabi-gabi. Dapat patuloy nating pasiglahin at pag-igtingin ang pagroronda para sa seguridad ng mga tao. Pati na rin ang police visibility 24 hours para mawala ang takot ng ating mga kababayan tungkol dito,” ani Fernando. – PPAO