BAYAN NG STA.MARIA, Bulacan – Nagsagawa ng biglaang inspeksyon si Gobernador Daniel R. Fernando kasama ang
Bulacan Environment and Natural Resources Office sa pamumuno ni Atty. Julius Victor Degala at Police Major
June Tabigo-on ng Philippine National Police sa illegal quarrying operation sa Sitio Alimasag,
Brgy. Camangyanan sa bayan na ito nitong Martes, Setyembre 6.
Sa isang operasyon na pinangunahan ng BENRO at CIDG noong nakaraang Biyernes ng hapon, agad na nahuli
ang limang iligal na minerong residente rin ng nasabing barangay at kasalukuyang humaharap sa tatlong kaso
kabilang na ang mineral theft sa ilalim ng Republic Act 7942, Section 103; Section 71-A ng Provincial
Ordinance C-005 o ang Environmental Code ng Lalawigan ng Bulacan at ang bago lamang na Executive Order
No. 21 Series of 2022 na pansamantalang nagsususpindi ng quarrying activities.
Ipinaliwanag rin ni Gob. Fernando na ang nasabing lugar ng quarry, na ilan taon nang nagsasagawa ng operasyon, ay
dating sakahan kung saan nadiskubre ng mga residente na ang ilalim nito ay volcanic tuff na kilala bilang
escombro o “bulik” na isang magandang uri ng mineral na kadalasang ginagamit sa landscape gardening na
nagkakahalaga ng P150-P600 bawat bloke.
Bukod pa rito, nadiskubre rin ng roving team ang isang exhausted quarry area na puno nang tubig-ulan na
may lalim na higit pa sa sampung talampakan na maaaring magdulot ng panganib sa mga residenteng
nakatira malapit doon.
Sinabi rin ng gobernador na makikipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan tungkol sa naturang quarrying
activity.
“Ito pong inspeksyon ay bunga ng patuloy nating laban kontra illegal quarrying. Ayon po sa ating BENRO,
mayroon nang tatlo o apat na iligal na nahukay na sa lugar na ito at ‘yung isang butas ay iniwan na lang nila at
may tubig na. So hindi po tama ang nangyayari; sisiguraduhin po natin kung ito ay alam ng local government
and I think, kinakailangan mag-usap kami tungkol dito,” ani Fernando.
Nakiusap rin siya sa mga Bulakenyo lalo na ang mga nasa industriya ng pagmimina na sumunod sa mga
regulasyon at magsagawa ng operasyong ligal na may permit.
“Sa totoo lang po, maraming kababayan natin ang naghihirap at nangangailangan ng tulong. Hindi lang dapat
ito pangsariling kapakanan at dapat ilagay sa tamang proseso; hindi sa iligal na bagay. Sapagkat ang kalikasan
po ay dapat nating pangalagaan dahil balang araw ay tayo rin ang sisingilin dito. Patuloy po nating lalabanan
ang mga illegal quarry dahil ito ay para sa kapakanan din ng ating kapwa Bulakenyo,” dagdag pa ng
gobernador.
Sinabi rin ni Fernando sa isinagawang panayam na ang mga iligal na nagmimina ay gumagamit ng manual
tools sa pagkuha ng mga mineral upang mabawasan ang ingay sa operasyon.
Sa direktiba ng gobernador, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng BENRO ng imbestigasyon tungkol sa mga iligal
na aktibidad na may kinalaman sa nabanggit na kaso.