BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Naghandog ng ayudang bigas nitong Sabado, Hulyo 9 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga Obandenyong naapektuhan nang pagbaha kamakailan dulot nang pagkasira ng dike at floodgate sa bayan na ito.
Personal na ipinamahagi ni Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro ang nasabing ayuda na pinangasiwaan ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Tiongson at kanyang mga tauhan para sa maayos na pamamaraan.
Katuwang din ni Gob. Fernando sa maayos na pamamahagi si Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda kasama ang mga konsehal ng bayan at bawa’t pamahalaang barangay nang naapektuhang residente.
Naninirahan mula sa mga barangay ng Panghulo, Catanghalan, Hulo Lawa at Paco at Tawiran ang naging benepisyaryo ng tulong na inihatid ng pamahalaang panlalawigan.
Nauna na ring nagpahatid si Gob. Fernando nang agarang tulong para sa pagsasaayos ng mga nasirang pamigil-baha sa 2 barangay sa Bayan ng Obando.
Matatandaang bumigay ang dike sa Barangay ng Paco na sinundan pa ng pagkasira ng floodgate sa Barangay ng Lawa, bago pa man maupo sa panunungkulan si Mayor Valeda.
Hindi naman naging hadlang na hindi pa siya nakaupo sa puwesto nang mangyari ang mga negatibong insidente para solusyonan agad-agad ang nasabing problema nang hindi na lumala ang pinsalang idinudulot nito.