LUNSOD NG MANDALUYONG – Sabayang nanumpa kay Gobernador Daniel R. Fernando, bilang Provincial Chairperson at Vice President for Social Development ng National Unity Party, ang mga bagong kasapi ng NUP Bulacan nitong Huwebes, Setyembre 12 sa EDSA Sangri-La Manila sa lunsod na ito.
Ginabayan ni House Secretary General Reginald Velasco, Secretary General (on leave) din ng nasabing partido at Deputy Secretary General Rex Dela Cruz, kasama si Bise Gobernador Alex C. Castro, ang sabayang panunumpa ng mga nagnanais tumakbo sa ilalim ng NUP sa bawat bayan.
Malugod na tinanggap ni Sec Gen. Velasco ang mga bagong kasapi at sinabing wala nang tatalo sa tambalang Fernando at Castro sa darating na halalan.
Bilang isa sa mga founder ng lapian, ipanaliwanag ni Velasco ang kasaysayan nito kung saan inatasan siya ni dating Chairman Ronnie Puno na mag-isip ng pangalan na ngayon nga’y National Unity Party, na 1 sa mga major political party sa bansa sa nakalipas na 3 lokal at nasyonal na halalan.
Malugod ding tinaggap ni Fernando ang mga bagong kasapi ng lapiang NUP at pinagbilinan ang mga bago at dating kasapi sa kanilang panuntunan.
“Maglingkod tayo sa ating mga kababayan ayon sa prinsipyo ng ating National Unity Party, ang ating lapian. Maigting na paniniwala sa Diyos, pagsulong sa demokrasya, katarungan at pangangalaga sa Inang Kalikasan ang panuntunang ating sinasandalan,” anang gobernador.
“Isapuso po natin lagi ang ating nagkakaisang layunin, to glorify God in serving our people at maging totoo tayo sa ating nasasakupan,” dagdag pa niya.
Inihayag din ni Gob. Fernando na kasama ang NUP sa coalition ng Partido Federal ng PIlipinas o PFP ng Pangulong Ferndinand “Bongbong Marcos, Jr. Kabilang naman sa kasalukyang Kinatawan ng Bulacan sa Mababang Kapulungan na dumalo sa Oath-taking Ceremony ay sina Congressman Danny Domingo ng Unang Distrito, Congresswoman Tina Pancho ng Ika-2 Distrito, at Congresswoman Lorna Silverio ng Ika-3 Distrito.