
LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Tatakbong muli si Gobernador Daniel R. Fernando para sa kanyang ika-3 at huling termino bilang gobernador ng lalawigan, katuwang si Bise Gobernador Alex C. Castro sa Halalan 2025, matapos maghain ng kanilang kandidatura nitong Martes, Oktubre 1 sa Pansamantalang Tanggapan ng COMELEC Bulacan sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lunsod na ito.
Kasamang nagsumite ni Gobernador Fernando at Bise Gobernador Castro ang ilang Congressman at mga provincial board members sa ilalim ng National Unity Party o NUP, kung saan tumatayong, Provincial Chairman at Vice President for Social Services ang kasalukuyang gobernador ng Bulacan.
Kabilang sa mga naghain ng kani-kanilang Certificate of Candidacy na nasa kasalukuyan nang posisyon sina Congressman Danny Domingo ng Unang Distrito, Bokal Dingdong Nicolas, Bokal Pechay Dela Cruz, Bokal Romeo Castro, Jr., Bokal Allen Baluyut, Bokal Jonjon Delos Santos, Bokal Ricky Roque, at Bokal Teta Mendoza.

Susubok naman sa unang termino sina Konsehal Andre Santos na tatakbong Congressman ng Ika-4 na Distrito, dating Konsehal James Santos ng Paombong na tumatakbong Bokal ng Unang Distrito, dating Vice Mayor Jonjon Manzano ng lunsod ng Meycauayan at dating Kapitan Babes San Andres ng Loma De Gato, Marilao na parehong tumatakbong Bokal ng Ika-4 na Distrito.
Sa kanyang mensahe pagkatapos maghain ng COC, isusulong ni Gob. Fernando kapag pinalad sa huling pagkakataon, ang pangmatagalang solusyon sa paglaban sa baha tulad ng mega dike na haharang sa high tide na nanggagaling sa Manila Bay at water reservoir na sasalo sa bulto ng tubig ulan na manggagaling sa kabundukan.
Ikinakasa na rin anang gobernador ang river dredging operation sa kailugan ng Bulacan na inaasahan nilang mailulunsad na ngayong buwan ng Oktubre.
Nakasuporta naman sa mga pograma ng gobernador si Bise Gob. Castro, lalo na sa 10-point agenda ni Fernando na siyang sentro nang paglilingkod nito at ipagpapatuloy ni Castro ang pagtitimon sa mabilisang pagganap sa katungkulan ng mga kaanib ng Sangguniang Panlalawigan para sa kapakinabangan ng mga Bulakenyo. Bago ang paghahain ng kanilang kandidatura, dumalo muna sa Banal na Misa na ginanap sa Malolos Cathedral ang mga nagnanais muling maging sebisyo publiko.