LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nasa 231 na mag-asawang Malolenyo ang nakatanggap ng insentibong nagkakahalaga ng ₱5,000 bawat mag-asawa mula sa Pamahalaang Lunsod ng Malolos sa pamumuno ni Mayor Atty. Christian D. Natividad nitong, Martes, Disyembre 17 sa Malolos Sports and Convention Center sa lunsod na ito.
Kauna-unahang inisyatiba ng lokal na pamahalaan ang nasabing programa na pinamahalaan ni City Social Welfare and Development Office- Population and Welfare Division o CSWDO-POPCOM Head Joemari S. Caluag, na nagbibigay-pugay sa mga mag-asawang umabot sa kanilang golden weddding anniversary o 50 taon nang pagsasama, bilang pagkilala sa kanilang matatag na pag-iisang dibdib.
Layunin din ng programa na maipakita ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa mga huwarang pamilya na nagsilbing inspirasyon sa komunidad sa pamamagitan ng kanilang wagas na pagmamahalan, katatagan, at pagtutulungan.
Matatandaang isinagawa ang ebalwasyon ng mga benepisyaryo noong Nobyembre 2024 kung saan 231 na mag-asawa ang naging kwalipikado at napabilang sa listahan na makakatanggap ng insentibo. Ayon sa Kautusang Panlunsod Blg. 12-2023, karapat-dapat na mabigyan ng benepisyo ang mga mag-asawang nagdiriwang ng kanilang 50 taon ng kasal at naninirahan sa lunsod ng Malolos nang hindi bababa sa anim na taon.
Nagbigay namn ng mainit na pagbati sa mga mag-asawa si Natividad at natuwa sa pagtataguyod ng Pamahalaang Lunsod ng mga ganitong klaseng selebrasyon na maaaring maging inspirasyon para sa mga kabataan at susunod na henerasyon.
“Sa kabila ng lahat ng distractions, mga tukso sa paligid, at napakaraming pagsubok at hamon na dumarating sa bawat taon ng ating buhay, kayo po ay isang testamento ng pagnanaig at pag-ibig,” anang alkalde.
“Lahat ay kayang hamakin—paghamon at pagsubok man—hangga’t nananatili sa gitna ang tunay na pagmamahal. May mga katulad namin kayong makakadapuan ng palad sa panahong aming kinabibilangan,” dagdag pa ni Mayor Natividad
ibinahagi din ng ng siyam na mag-asawa mula sa iba’t ibang barangay ng lunsod,
ang kanilang pagmamahalan, karanasan, sakripisyo, at tagumpay sa kanilang mahigit limampung dekadang pagsasama, na nagbigay inspirasyon sa mga dumalo sa programa.
Nakadalo at nagbigay din ng mensahe sina Konsehal Dennis San Diego, Kons. Noel Sacay, Kons. Kiko Castro, Kons. Mikki Sotto, Kons. Michael Aquino, at kinatawan ni Kons. JV Vitug.