Ang architect’s perspective o disenyo ng bago at modernong Pandi Municipal Hall na mayroon tatlong palapag at may kabuuang 8,553 metro kuwadradong floor area, na itatayo sa 1.5 ektaryang lupang pag-aari ng pamahalaang bayan. – Harold T. Raymundo

Katuparan ng mga pangarap ni Mayor Rico Roque

BAYAN NG PANDI, Bulacan – Isinagawa ang groundbreaking ng bagong munisipyo ng Pandi noong Nobyembre 8 sa Barangay Poblacion ng bayan na ito.

Pinangunahan ni Mayor Rico A. Roque ang groundbreaking ceremony kasama sina Gobernador Daniel R. Fernando, Bise Gobernador Alex C. Castro, Bokal Ricky Roque, Guiguinto Mayor Atty. Agay Cruz, at District Engineer Henry C. Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.

Masayang nagpakuha ng larawan  sa isinagawang groundbreaking ceremony ng bago at modernong Pandi Municipal Hall sina Mayor Rico A. Roque (ika-2 sa kaliwa)  at Vice Mayor Lui Sebastian (kaliwa) kasama sina Gobernador Daniel R. Fernando, Bise Gobernador Alex C. Castro, Guiguinto Mayor Atty. Agay Cruz at District Engineer Henry C. Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office. – Harold T. Raymundo
 

Tatlong palapag ang bago at modernong munisipyo na may kabuuang 8,553 metro kuwadradong floor area at itatayo sa 1.5 ektaryang lupa na pag-aari ng pamahalaang bayan.

Magsisilbing sentro ang bagong munisipyo  ng mga serbisyo publiko at magpapabuti sa pamamahagi ng mga serbisyong pangkomunidad para sa mga Pandienyo.

Sentimental na binabalikan ni Pandi Mayor Rico A. Roque ang mga panahon na nag-uumpisa pa lamang sila at hindi biro anang alkalde ang kanilang pinagdaanan upang maisakatuparan ang isa sa kanilang mga pangarap na magkaroon ng bago at modernong bahay pamahalaan. – Harold T. Raymundo
 

Sa kanyang mensahe, masayang binalikan ng alkalde ang mga panahon na nag-uumpisa pa lamang sila, hindi biro ang kanilang pinagdaanan upang maisakatuparan ito at noon ay isa lamang pangarap.

Ngayon ay matutupad na ang pangarap na matagal nang hinihintay ng mga Pandieno. Ang isang legasiyang tatatak sa bawat mamamayan ng Pandi mula sa inisyatiba at pagsisikap ni Mayor Roque.

“Layunin nang nasabing proyekto na mas mapabuti ang kalidad ng mga serbisyong pampubliko at mapabilis ang mga proseso para sa mga mamamayan at mga Pandieno,” dagdag pa ni Roque.

Lubos din ang pasasalamat ni Mayor Roque sa mga taong naging instrumento upang maitayo ang bagong municipal hall. Mga taong hindi nagkait ng panahon para suportahan ang matagl na niyang pangarap at minimithi ng mga Pandieno.

“Salamat ng marami kay Senador Joel Villanueva sa kanyang suportang pinansyal at kay Gob. Daniel Fernando dahil sa kanyang patnubay at walang sawang pagsuporta sa inyong lingkod. Sa mga opisyales ng DPWH at kay DE Alcantara. Sa buong suporta ng Team Sipag at Talino sa pangunguna ni Vice Mayor Sebastian at mga konsehal ng bayan ng Pandi na sina Kon. Jonjon Roxas, Kon. Monette Jimenez, Kon. Danny Del Rosario, Kon. Potpot Santos, Kon. Vic Concepcion, Kon. Nonie Sta. Ana, Sec. Arman Concepcion, Dok Noel Esteban, at sa designer ng ating munisipyo. Kung hindi sa mga taong ito ay hindi tayo magkakaroon ng modernong bahay pamahalaan,” ani Roque.

“At higit sa lahat sa mga Pandieno na nagbigay ng suporta, pang-unawa sa inyong lingkod, maraming maraming salamat,” pagtatapos ng alkalde.

Pinuri naman ni Gob. Fernando si Mayor Rico sa kanyang inisyatibo at pagsisikap na magkaroon ng moderno, malaki, at bagong munisipyo ang bayan ng Pandi.

“Hindi nasayang ang panahon at pagod mo Mayor Rico. Dahil sa isang pagpupunyagi kasama ang bise alkalde at Sangguniaang Bayan, matutupad na ang inyong pangarap na hindi mabubura sa sa kasaysayan at isipan ng mamamayan ng Pandi,” anang gobernador.

Itatayo ang bagong municipal hall sa kabayanan upang mas mapadali ang access ng mga Pandieno mula sa iba’t-ibang barangay ng bayan ng Pandi. Nakadalo rin para saksihan ang groundbreaking ceremony ng Pandi New Municipal Hall sina Bokal Teta Mendoza, Bocaue Vice Mayor Sherwin Tugna, at mga opisyales at kawani ng Pamalaang Bayan ng Pandi.