
BAYAN NG GUIGUINTO, Bulacan – Bukas na sa trapiko ang bagong tayo na apat na linyang Guiguinto Flyover sa panulukan ng Plaridel Arterial Bypass Road at Guiguinto-Balagtas sa Barangay Tiaong, Guiguinto, Bulacan.
Kasabay nito, madadaanan na rin ang huling 11.65 kilometro na bagong southbound lane nitong bypass road mula sa bahagi ng Plaridel hanggang sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway (NLEX)

Naging hudyat ng pagbubukas nito sa trapiko ang pagpapasinaya na pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
May haba itong 561 metro na unang flyover na madadaanan sa Plaridel Arterial Bypass Road paglabas sa Balagtas Exit ng NLEX kung sa northbound lane dadaan o patungo sa direksiyon ng San Rafael.

Sa loob ng sukat na ito, nasa 283.10 metro ang haba ng mismong tulay sa ibabaw at may approaches o akyatan na nasa 138.66 metro at 139.38 metro sa magkabilang puno ng tulay.
Nilagyan ito ng concrete barrier sa pagitan ng tig-dalawang linya patungo sa NLEX-Balagtas Exit at papunta sa San Rafael. Maliwanag din itong madadaanan sa gabi dahil sa mga inilagay na mga solar LED streetlights sa buong kahabaan ng 561 metro na Guiguinto Flyover at ng nakumpletong southbound lane.
Pangatlong flyover na ito sa nasabing bypass road kasunod ng pagbubukas sa trapiko ng mga Bustos northbound at San Rafael flyovers na binuksan noong 2022 at 2023.

Nagkakahalaga ng P227 milyon ang itinayong Guiguinto flyover na bahagi ng P5.26 bilyon na halaga ng proyektong Plaridel Arterial Bypass Road Phase 3.
Ipinaliwanag ni Secretary Bonoan na sa loob ng nasabing halaga, P4.25 bilyon ang ipinahiram na pondo mula sa Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Habang ang kapupunan na P1.01 bilyon ay mula sa mga Pambansang Badyet ng Pilipinas na ipinapalabas ng Department of Budget and Management (DBM).
Bukod sa Guiguinto Flyover, kasamang ginugulan nito ang bagong southbound lane mula sa San Rafael hanggang sa Bustos na nauna nang binuksan sa trapiko noong 2023. Sinundan ito ng pagbubukas sa trapiko mula sa bahagi ng Bustos hanggang sa Plaridel at nakakaderecho na ngayon palabas sa Balagtas Exit ng NLEX.
Direktang makikinabang dito ang mga Bulakenyong nasa hilagang-silangan ng lalawigan gaya ni Rosario Bautista, isang exporter ng Sambalilong Buntal mula sa Baliwag, Bulacan.
Ipinaliwanag niya na noong hindi pa umaabot sa Bustos, kung saan katabi ng lungsod ng Baliwag, ang Plaridel Arterial Bypass Road, tinitiis niyang mababad sa trapiko sa Daang Maharlika mula sa Baliwag upang makalabas sa Sta. Rita Exit ng NLEX paluwas sa Metro Manila.
Nang makumpleto naman ang Plaridel Arterial Bypass Road mula sa San Rafael hanggang sa NLEX-Balagtas Exit ay naging matrapik naman aniya ang bahagi ng Guiguinto. Ang pagkakagawa aniya nitong Guiguinto Flyover ay magbabalik ng ginhawa at bilis ng daloy ng trapiko sa nasabing bypass road.
Nakikita ni Bautista na malaking tulong ito sa mga gaya niyang nagluluwas ng mga dekalidad na Sambalilong Buntal o Buntal Hat para madala sa mga freight at logistic facilities para mai-export.
Samantala, ipinahayag naman ni Second Secretary Kinoshita Akito ng Embassy of Japan to the Philippines na bukod sa mapapabilis ng 24 minuto na lang ang biyahe mula sa 69 minuto ng nasa 15 libong mga motorista sa kada araw, isa aniyang patotoo ang flyover na ito at ang mas pinalaking Plaridel Arterial Bypass Road sa kongkretong pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.
Naniniwala siya na sa pamamagitan ng mga kagaya nitong malalaking imprastraktura, makakapag-ambag ito nang malaki upang makapaghatid ng pamumuhunan at trabaho sa Guiguinto at mga karatig bayan.
Akmang-akma aniya ito sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maihatid ang Pilipinas na maging ganap na upper middle-income country sa 2028. — Shane F. Velasco/ PIA Region 3-Bulacan