Masayang ginugupit nila Senador Bong Go, Congressman Boy Cruz ng Ika-5 Distrito ng Bulacan, at Mayor Agay Cruz ang laso hudyat nang pagbubukas ng Guiguinto Super Health Center nitong Miyerkules, Oktubre 16 sa Masagana Subdivision, Brgy. Lawlawan Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan. Nasa larawan din sina Senatoriable Phillip Salvador, Vice Mayor Banjo Estrella, at opisyal ng Department of Health Regional Office 3. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

Ika-10 sa 18 Super Health Center sa Bulacan

BAYAN NG GUIGUINTO, Bulacan – Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” T. Go ang pagpapasinaya sa Guiguinto Super Health Center nitong Miyerkules, Oktubre 16 sa Masagan Subdivision, Brgy. Lawlawan Sta. Rita ng bayan na ito.

Ika-10 na ang nasabing Super Health Center na pinasinayaan sa  Bulacan sa 18 SHC na itatayo sa buong lalawigan at isa sa naging prayoridad ni Senador Bong Go bilang Chairperson ng Senate Committee on Health, para sa pangangalaga ng kalusugan ng bawat Pilipino.

Kabilang sa mga serbisyong iniaalok dito ang libreng konsultasyon, panganganak, mga laborotaryo gaya ng X-Ray at ultrasound, at early disease detection, kayat’  maituturing  nang isang medium type polyclinic ang mga Super Health Center.

Ang pinasinayaang Guiguinto Super Health Center na ika-10 sa 18 Super Health Center na nakatayo at itatayo pa sa lalawigan ng Bulacan. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo
 

Matapos pasinayaan, ininspeksyon ni Senador Go ang buong pasilidad kasama sina Senatoriable Phillip Salvador, Congressman Ambrosio “Boy” Cruz, Jr. ng ika-5 Distrito ng Bulacan, Mayor Agatha Paula “Agay” Cruz, at mga opisyal ng Department of Health o DOH Regional Office 3 at nai-turnover agad sa Pamahalaang Bayan ng Guiguinto ang pagpapatakbo nito.

Taong 2021 nang simulang isulong ni Sen. Go sa Senado ang mga pagamutan para sa kapakinabangan ng taumbayan at kasama ang pagpapatayo ng mg Super Health Center sa kanyang mga inisyatiba para mailapit ang serbisyong medikal ng pamahalaan maging sa malalayong komunidad sa bansa. 

Ayon kay Go , malaking bagay ang mga Super Health Center para sa mga mahihirap kabilang dito ang mga apektado ng sakuna at kalamidad upang hindi sila mapag-iiwanan sa mga serbisyong pangkalusugan.

“Makatutulong din ito para hindi na magsiksikan ang mga nagpapagamot sa mga ospital,’ dagdag pa ng senador.

Nakiisa rin kay Senador Bong Go sa pagpapasinaya ng Guiguinto Super Health Center sina Vice Mayor Banjo Estrella, mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Guiguinto, at mga barangay health workers at agad na tumulak sa Guiguinto Municipal Gymnasium para sa pamamahagi naman ng tulong pinansyal sa mga mas nangangailangang pamilyang Guiguintenyo.