LUNSOD NG BOGO, Cebu — Sa pagbisita ni Pangulong Bong Bong Marcos Jr. sa lunsod na ito, pinasalamatan niya ang mga health care workers, first responders, at volunteers na nagbabayanihan para sa mga lubhang naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol doon.
Ibinahagi ni Secretary Ted Herbosa ng Department of Health o DOH ang report sa Pangulo, na walang patid ang pagresponde ng mga health care workers at emergency teams dahil importanteng mabigyan agad ng lunas ang mga nakaligtas sa mga gumuhong istruktura.

Patuloy din ang pagbibigay ng atensyong medikal sa mga pasyenteng nailikas mula sa loob ng mga ospital nang maramdaman ang lindol.
Kinumpirma rin ni Sec. Herbosa na sa loob ng 24 na oras, naihatid agad sa Cebu ang mga karagdagang medical commodities ng DOH gaya gamot, sakay ng C-130 noong October 1.
Inanunsyo naman ng Pangulo na makatatanggap ng PHP20 milyon ang bawat DOH hospital sa lalawigan ng Cebu para sa rehabilitasyon at sa pagpapatuloy ng serbisyong pangkalusugan na kailangang kailangan ng mga pasyente.
Patuloy pa rin ang DOH sa pag responde sa medikal na pangangailangan ng mga mamamayan sa Northern Cebu, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ###